Miyerkules, Setyembre 12, 2012
Duyan
Matayog kong nilipad ang bughaw na langit.
Kasabay ng mga nagpapagaspasang lawi'y
Natanaw ko sa ibaba ang mga luntiang puno -
Mga punong tila ba sumasayaw sa saliw ng umiihip na amihan.
Ngunit, sa patuloy kong paglayo'y naramdaman ko ang paghigpit ng pisi.
Bumalik ako't binagtas ang kabilang panig at sinabing:
"Magpahinga muna't magparaos."
Muli'y matayog kong nilipad ang bughaw na langit.
Sinong mag-aakalang sa muli kong pagkumpas ng pakpak ay nagagawa ko pang humuni?
Ano pa nga ba't ito na lang siguro ang magpapaligaya sa akin.
Subalit sa aking paglayo'y tila hindi na pisi ang aking nakakapa kundi lubid.
Unti-unti kong hininaan ang tinig sabay usal:
"Magpahinga muna't magparaos."
Magdadapit-hapon na nang ako'y muling naglaro sa himpapawid.
Sa pagnanais kong alamin kung ano ang nasa dulo ng langit,
Lumipad ako pataas, nakatutok sa mga papalabas nang buwan at bituin.
Ngunit ang nais ay hindi nangyari; ako'y nahilo, natanga, naduwal.
Bumagsak ako sa lupa habang binubulong sa sarili: "Magpahinga muna't magparaos."
Naramdaman ko ang sakit ng pagkahulog:
Pagkabali ng buto, pagkahilo,
Gayundin ang hapdi ng paang
Noon pala'y natatanikalaan na ng kadena.
Humina ang aking naghihingalong pagsamo.
Wala nang pumuslit sa aking tuyo't tigang na lalamunan.
Hindi na ako makahinga.
Hindi na ako lumaban,
Gayong sa huli, ano pa nga ba ang aking mapapala?
Matitigilan at mananahimik lang din naman ako.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Saan nagmula ang larawan? Lubhang pantuluyan pa ang sensibilidad ng mga pahayag dito.
TumugonBurahin