Huwebes, Setyembre 20, 2012

Bakit Naging Higanteng Papel ang Mag-Asawang Juan at Maria?



Naranasan ko rin namang makipaghabulan sa mga higante.  Hindi ko nga malimutan ang mga panahong pagkagaling kong paaralan ay kakaripas kaagad ako ng takbo papuntang patio upang makipaglaro kasama ang aking mga kaibigang kung hindi man yapak ay suot-suot pa ang kanilang napaglumaang puting kamiseta. Wala na akong pakialam kung pagalitan ako ng aking inay pag-uwi ko sa bahay. Ang sa akin lamang, ako ay maglalaro sa lilim ng malamig na simoy ng hanging binibigay ng Banahaw. Tatakbo ako at gugulong kasama ang masasayang mukhang kapupunahan kaagad ng pagkagalak o pagkahapo. Kung ako man ay madapa o matisod, ako'y agad babangon. Makikipaghabulan akong muli at tatakbo ako nang tatakbo. Hindi ako titigil hanggang sa tuluyang tumunog ang kampana ng simbahang maghuhudyat ng pagsisimula ng orasyon.

"Higanteng putol, nanghahabol!"
Pagpatak ng ikawalo ng gabi'y isasama naman ako ng aking mga magulang sa pamamasyal. Noon ay naaalala ko pa na sa tuwing kami ay lalabas, mahigpit pa nila akong hinahawakan sa magkabilang kamay. Bihis na bihis pa ako noon. Nakajacket, nakabonet, nakapajama, nakasapatos. Malamig kasi ang simoy ng hangin sa dakong aming pinaroroonan. At iyon nga'y aking nararamdaman kahit balot na balot na ako. Subalit ang lahat ng iyo'y napapawi rin agad sa oras na natutunghayan ko na ang toro. Punong-puno kasi ito ng magagarbong palamuti na sa tuwing sisindihan ay lumiliwanag. Dahil dito'y ako ay natitigilan parati, namamangha, tila ba nararamdaman kong panandaliang lumilipad ang aking murang isip sa kabilanng daigdig habang nakakandong sa balikat ni itay.

Sa ganitong pagkakataon ko lamang din napapansin na sa isang sulok pala ng plaza'y maaaninagan ang mga higanteng kaninang hapon lamang ay aming pinagpipiyestahan. Subalit, naaagaw parati ng bagong papalabas na karosang naglulunan ng imahen ni Maria at Jesus ang aking atensiyon. Tumatatak tuloy sa aking isipan ang mga pusong nakaumbok sa kanilang mga dibdib - mga pusong wagas na umiibig sa sanlibutang ating pinamumuhayan.

Doon ko lamang din naitatanong sa aking ina kung ano nga ba ang nangyayari. Kapistahan pala ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus at Katamis-tamisang Puso ni Maria. At iyon, sa ganoong paraan pala namin iyon ipinagdiriwang.

Karaniwang katutunghayan tuwing sasapit ang Corazon de Jesus

Mahilig akong maghalungkat ng mga lumang kagamitan sa bahay, lalo na kung nakikita ko ang  lumang baul ni lola sa ilalim ng kanyang lumalagitik nang papag. Doo'y parating tumatambad sa aking balintataw ang mga lumang litrato nila ni lolo, tiyo, at ina. Nakikita ko rin ang mga mukha ng mga hindi ko kilalalng taong marahil ay mga kamag-anak naming kung hindi man kinulubutan na ng balat ay tinutubuan na  ng puting buhok. At ngayong ako ay nasa kolehiyo na at namumuhay nang malayo sa nakagisnang bayan, mas tumatangi sa aking isipan ang pangungulila. 

Higit akong napapaisip sa tuwing nakakakita ako sa fecebook ng mga lumang litratong nagpapaalala sa aking nilisang bayan. Sa ganitong pagkakataon ko naaalala si lola, ang kanyang mga pangangaral, ang kanyang mga kuwento. Nagugunita ko pa nga nang isalaysay niya sa akin ang kuwento ng mga higante, kung bakit natatanawan na lang sila basta sa lansangan tuwing may pagdiriwang, kung bakit nagkakagulo ang mga bata sa kanilang pagdating, at kung bakit bigla na lamang silang naging higanteng papel sa isang iglap. Subalit sa pagtagal ay unti-unti na rin itong nabura sa aking isip. Gayunpaman, tinangka ko itong buoin sa saliw ng aking mapaglarong haraya, sa saliw ng aking mga nalalaman sa nakagisnan kong kuwento ng aming bayan.


Taon-taon kung bumaba ang mag-asawang higanteng Juan at Maria mula sa kanilang tahanang yungib sa bundok ng Banahaw. Ginagawa nila ito upang makiisa sa pagdiriwang ng masaganag aning tinatamasa ng mga Lukbanin. May dala-dala pa silang naglalakihang prutas na sa pakiwari ng ilan ay walang hirap nilang pinipitas sa nagtatayugang mga puno. 

Pagsapit nila sa baya'y nagbubulasang parang kitikiti ang mga tao. Tuwang-tuwa sila at malugod pang iniimbitahan ang naglalakihang kaibigan upang makiumpok sa kanilang munting hapag-kainan. Sa saliw ng mga katutubong musika ay nakikiawit din ang mag-asawa. Tinataasan pa nila ang boses kung kinakailangan. At matapos iyo'y papalakpakan sila ng nakararami.

Pagdating ng hapon ay sa malawak na parang naman sila matatagpuan. Kalaro nila rito ang mga munting paslit. Naghahabulan sila doon, nagpapalipad ng saranggola, nagtataguan. Nagpiprisinta pa nga ang mag-asawa na sila ang maging taya. Sinasangayunan naman ito ng mga bata. Kaya naman sa ilang sandali ay matutunghayan na lamang ang mga batang matuling tumatakbo - tila ba aayaw talagang paaabot sa nagprisintang kaibigan. Ngunit, ang pakay ng mag-asawa ay natatapos din pagsapit ng dilim. Nagpapaalam sila sa mga taga-bayan at nangangakong babalik muli sa susunod na pista.

Sa paglipas ng mga tao'y patuloy pa ring nakikisaya ang mag-asawa hanggang isang araw, bago ang kanilang pag-uwi, ay may natanawan silang paparating na hindi mawaring nilalang. Kulay puti ang balat, matatangos ang ilong, matatangkad. Nakita nila ang mga itong may hawak-hawak na tatlong rebultong hindi maintindihan kung ano. Sa paglapit ay higit pa nilang naaninagan ang iba pa nitong dala: kayamanan. 

Nagulat ang lahat sa pagbuka ng bibig ng mapuputi. Nakakapagtagalog pala sila. Doo'y pinaliwanag nila ang kanilang pakay gayun din ang tatlong rebultong kanilang dala-dala. Sa una'y pinakilala muna nila ang Kristiyanismo, ang mga aral na napapaloob dito at ang sampung utos ng Diyos. Namangha ang mga katutubo  at ang mga higante. 

Sa ikalawa nama'y itinampok nila ang mga rebultong kanilang dala. Iyon daw pala si Maria at Jesus. Pinakilala rin nila ang isang santo, si San Luis Obispo, na magsisilbing patron ng kanilang bayan. Muling namangha ang mga tagapakinig. Agad namang inihayag ng mga mapuputi na sa kasunod na pagpapalit na ng buwan ang kapistahan ng puso ni Jesus at Maria. Agad-aga'y nagbulalasan ang mga tao kasama ang mga higante. Hindi magkarinigan sa matinding hiyawan. 

Noon din, binalak ng mag-asawang higante ang muling pagbaba mula sa bundok sa susunod na pagpapalit ng buwan nang sa gayo'y makisaya. At iyon nga ay kanilang sinunod. Muling nagdiwang ang bayan at ngayo'y kasama na ang bago nilang itinuturing na kaibigan. Natunghayan din nila ang isinagawang prusisyon ng mga mapuputi kasabay ang kanilang pagpupuri sa bagong nakilalang rebulto. Sa paglipas ng panaho'y patuloy pa rin nila itong isinasabuhay.

Subalit, nagbago ang lahat nang sa pista ring iyon makalipas ang ilang taon ay may dumating na toro. Napapalamutian ito ng mga mamahaling alahas. Sinabi pa niya na kung siya ay kanilang tatangkilikin at mamahalin, ibibigay niyang lahat ang mga kayamanang nasasakanya. Dahil sa pagkamangha ng mga tao, kaagad nilang itinuring na kababayan ang napadpad na toro. Pinakain sa kanilang mga bahay, pinagluto ng masasarap na pagkain, pinagtimpla ng mainit ba kape. Nagsayawan sila sa saliw ng  tambol at dito'y nasilayan ang ngiti sa mukha ng bawat isa. 

Mabilis ang mga pangyayari at kumagat nang muli ang gabi. Nagsabi ang mag-asawang higante na sila'y aalis na subalit ni isa'y walang pumansin. Naglaro na lang sa mata nina Juan at Maria ang mga taong walang humpay na humihimas sa likod ng namumulang toro. Nalungkot sila sa nangyari at tahimik na nilisan ang nagsasayang bayan.

Marahil ay napagod nang matindi ang mga taga-bayan kaya tanghali na nang sila'y magising kinabukasan. Laking pagtataka na lang nila nang makitang nasira ang maganda nilang paligid, nawala ang mga tanim na kanilang pinunla at naubos ang ilang mga puno. Tumambad sa kanilang mga mata ang noo'y lumalamong toro, kagat-kagat sa maamos na bibig ang kanilang mga pananim. Nagalit ang mga tao sa toro at hinabol ang nagpipilit na tumakbong taksil.

Sinubukang tanawin mula sa Banahaw nina Juan at Maria ang noo'y nagkakagulo na palang bayan. Sa pagtanaw ay inakala nilang nakikipaglaro ang tao sa toro. Mula rito'y nabalutan sila ng kakaibang lungkot. "Tuluyan na nila tayong nilimot," bulong ni Maria sa malambot na tainga ni Juan. 

Nang hapon ding iyon sa bayan ay nagapi ang mapanlinlang na toro. Nagdiwang ang lahat.

Lumipas ang isang taon at naramdaman nang muli ang papalapit na pista. Sa darating na pagdiriwang ay napagpasyahan ng mga tao na ibigay ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog sa torong sumira ng kanilang kapaligiran.

At iyon nga, sumapit na ang pista subalit nagtaka ang mga taga-bayan kung bakit walang mag-asawang Juan at Mariang bumababa sa madulaing bundok ng Banahaw. Nabalutan tuloy ng lungkot ang buong kabayanan. 

Sa puntong ito pa lang nila napagtanto na walang maidudulot na mabuti ang pagkasilaw sa kayamanan. "Pinagpalit natin ang ating kaibigang higante noong panahong dumating ang mapanlinlang na torong ito..." sambit ng pinuno ng bayan. "Ito'y higit naming ikinalulungkot!" bitaw naman ng dalawa bago tumakbo papalayo sa munting kumpulan.

Ito na marahil ang kauna-unang malungkot na pista ng bayan. Subalit ang lahat ay nagkamali nang may lumitaw na dalawang higanteng papel sa bukana ng Banahaw. Nakapamayawang ngunit pansin ang maliit nitong paa. Walang humpay ay naging hiyawan ng mga tao. Narinig ang malalakas na pito at masasayang tunog ng tambol. Nabuhayan muli ang noo'y malungkot na nayon. 

Muli'y nagkaroon ng habulan kahit alam na ng mga taong hindi totoo ang mga higanteng kanilang kinatutunghayan. Sila'y nagsisayawan at nagsiawitan. "Sa oras na magbalik ang ating mga kaibigang Juan at Maria, masasabi nilang hindi natin sila nilimutan," bulong ng isa sa sarili habang nakikisalamuha sa nagsasayang lipunan.

Nang gabi ring iyon ay itinabi muna sa isang sulok ang higanteng papel upang sa gayo'y hindi madamay sa gagawing pagbitay sa toro. At nang sumapit ang ikawalo ng gabi ay sinilaban ang nagpupumiglas na preso. Lumiyab ang kanyang namumulang katawan at maliwanag siyang nakita ng mga tao. 

Agad-agad ay nakitang binabagtas ng karosa ni Jesus at Maria ang ngayo'y nagsasayang lansangan. 

Wakas



Sanggunian:


2 komento:

  1. May ilang typo pa rito subalit naibigan ko ang kalidad ng pagmumuni kaya't binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!

    TumugonBurahin