Bata pa lang ay namulat na ako sa daigdig ng siyudad. Tubong probinsiya ako subalit sa tuwing ako'y luluwas, hindi na nawawala sa aking balintataw ang pagpansin sa kakaibang kilos nito. Nararamdaman ko parati ang bilis ng oras - ang dagliang sandali sa pag-itan ng aking sarili at ng mapaglarong mundo. Dama ko ang pag-aasam na nawa'y makakamit pa ng karagdagang oras nang sa gayo'y matapos ko ang mga nakabinbing gawain. Hindi ito biro sapagkat sa isang katulad kong nagmula pang probinsiya at nangahas harapin ang aking tadhana sa siyudad, kakailanganin ko pang higitan ang pag-ayon ng sarili sa galaw ng Maynila. Mahirap ito ngunit kailangan. Kailangan sapagkat kung ipagpapatuloy ang dating gawi'y wala akong patutunguhan.
Maynila, isang lungsod, isang siyudad. |
Kasabay din ng aking pagpansin sa nakaririnding takbo ng oras ay ang kabaligtarang pagpuna sa mabagal na pag-usad ng sitwasyon. Patuloy nga ang pag-ikot ng pulang kamay ng orasan subalit ang pag-unlad ng mga katatayuan sa lipunan ay tila ba pinababanguhan ng aromang kay bagal kumilos. Talamak pa rin ang mga napag-iwanang bagay na tuluyan nang nilimot ng lumisang panahon. Ngayo'y masasaksihan pa rin ang mga bakas na walang awang iniwan ng pangako ng pagbabago. Sa bilis ng oras, kabalintunaan na itong maituturing. Nakapagtataka.
Sa patuloy kong pakikisalamuha sa bagong lipunang aking kinikilusan, patong-patong na tanong at pagtataka ang walang katapusang pumapasok sa aking isipan. Madalas din naman ako sa siyudad kahit pa noong sa probinsiya pa ako nag-aaral kaya siguro nangyayari ito sa akin. Dito'y lumulutang palagi sa aking ulirat ang mga bagay na nakapagtatakang iyon pa rin ang aking kinatutunghayan sa paglipas ng ilang taon. Hindi ko maiwasang itanong iyon sa sarili sapagkat sa bayang aking tinubua'y dama ko ang pagbabago, dama ko ang pag-unlad. Dahil rito'y ninais kong ilahad ang aking mga napapansin sa tulong ng aking malikot na isip.
Ang Aking Landasin Mula sa Aking PANINGIN
Sa paglipas ng panaho'y marami akong nakita. Subalit, ilan lang sa mga nakita kong ito ang tila binihisan ng panahon: maayos na at presentable. Gayunpaman, tumatatak pa rin sa aking gunita ang noo'y palagi kong natutunghayang basura. Kalat dito, kalat doon. Wala pa ring pagbabago sa sistemang sinusunod ng mga tao, tila ba hindi sila nadadala sa banta ng mga susunod pang unos.
Hanggang kailan ako maghihikahos? |
Higit namang sumagi sa aking paningin ang mga pamilyang maituturing na marahil na pagkagalak ang makapulot ng tira-tirang pagkain sa bundok ng basura. Kitang-kita ko ang mga malalamlam nilang mata at kaawa-awang kasuotang pilit nilang pinagtitiyagaan maitago lamang ang kanilang buto't balat na katawan. Sa aking mga mata'y naglalaro rin ang kanilang mga labi, mga labing pilit nilang binubuksan makapanghingi lamang ng limos, mga labing tila hindi na kayang umusal ng salita dahil sa matinding gutom at panunuyot ng lalamunan. At dito nga'y naging saksi ang aking mga mata sa kanilang kaawa-awang kalagayan. Bata man o matanda'y walang pinipili ang matinding sakit ng lipunan - kahirapan.
Sa mabilis na pag-usad ng oras sa siyudad, isa sila sa mga nabiktima ng mabagal na pag-unlad. Iba na ang oras na kanilang ginagalawan subalit heto't nananatili pa rin sila sa iisang sitwasyon.
Ang AMOY ng Siyudad Noon at Ngayon
Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura? |
Sa pagpapatuloy ay hindi lang mata ang naging bintana ng aking isip. Malaki rin ang naitulong ng aking pang-amoy. Dahil dito'y wala ng makapipigil pa sa paglalahad ng katotohanan. Totoong umaalingasaw ng kabahuan sa siyudad dulot ng mga basurang kung saan-saan lang ipinagtatapon ng mga tao, sabihin mang noon o ngayon. Aminin man o hindi, marami mang tumanggi o maniwala, isa itong katotohanang kailanman ay hindi natin maaaring takasan. Ilang kalsada at eskinita na rin ang aking nabaybay at sa tuwing dumadaan ako sa mga ito'y kailanma'y hindi ko mapigilan ang paglanghap ng mga amoy na tila makapagpapasakit ng bawat kumakalam na sikmura. Masakit isipin na hanggang ngayo'y wala pa ring pagbabago, ni hindi ata naiisip ang kanilang mga naranasang sakit at paghihikahos noong mga nakalipas na taon. Masakit isipin sapagkat wala pa ring nakikitang pagkilos ni sa sarili man lamang.
Oo, magkaiba na ng oras subalit heto, nananatili pa rin ang siyudad sa iisang sitwasyon.
Buhat sa Aking mga NARIRINIG
Sandali! Wala akong kasalanan!!! |
Sa pagluwas ko'y hindi na huni ng mga ibon sa umaga ang aking naririnig, hindi na rin tilaok ng tandang ang sa aki'y gumigising. Sa halip, nakabibinging sigawan sa kanto at nakabubulabog na tunog ng mga sasakyan ang sa aki'y bubungad. Oo, hindi na ako magtataka. Alam kong nasa siyudad ako. Subalit, nakalulungkot lang marinig ang patuloy na ganitong himig: bangayan sa kanto ng mga naglulutungang mura, hagisan ng mga noo'y hindi naman nagsisiliparang kawali, payabangan ng busina sa kalye, palakasan ng ngawa ng mga batang kung hindi man inaabuso ng kanilang mapang-aping magulang ay namimilipit na sa gutom. Salisaliwa na ang mga tunog ng siyudad. Hindi ito naglalaho kahit anumang gawin, ni kailanma'y hindi rin ito humihina.
Mabilis ang oras sa siyudad ngunit hindi nito nagagawang iusad ang mga nililikha nitong ingay. Noon at ngayon, iisa ang ingay nito. Ang masama, higit na tumitindi ang nilalabas nitong tunog.
DAMA ko ang Init
Hanggang saan ako patutungo? |
Hindi na rin bago sa aking pandama ang nakalulutong init ng siyudad, sabayan pa ng trapik. Sa bawat pagsakay ng bus, sa bawat pagbaba ng jeep, sa bawat pag-usad ng tren, sinumang nagmamadaling katawan ay tatagatakan ng pawis. Kaunting kilos, isang patak, kaunting galaw, isang tulo. Oo, hindi na ito bago gayong nasa siyudad na nga ako. At ngayong ngang narito na ako, magiging bahagi na ng aking buhay ang tiisin ang init dulot ng lumalalang trapik sa bawat kalsada. Kahit anong gawing pagpapalawak ng kalye, kahit anong pagkilos ang ginagawa ng mga kinauukulan, walang nangyayaring pagbabago. Ang nakaaalarama, lalo pang lumalala ang problema sa lansangan.
Mabilis ang oras sa siyudad subalit mabagal ang pag-usad ng bawat sasakyan sa lansangan. Iba na ang oras ngunit nananatili pa rin itong ganito sa iisang sitwasyon.
Sakto sa PANLASA?
Kay sarap mamuhay sa bukid, sa probinsiya. |
Masarap daw manirahan sa siyudad. Iyon ang sinasabi ng ilan kong kakilalang tila nabahiran na ata ng kulay ng Maynila. Subalit, sa lahat ng aking nakikita, naaamoy, naririnig, at nadarama, sakto pa rin sa aking panlasa ang mamuhay nang tahimik at matiwasay sa probinsiya na kung saan lahat ay nakangiti, lahat ay naaayon, lahat ay magaan. Simple ang buhay sa amin. Sa simpleng pamumuhay na ito'y nagagawa naming umusad.
Mabilis ang oras sa siyudad subalit kabaligtaran nito ang nangyayari sa mababangis nitong sulok.
Sanggunian: