There’s no
place like home.
Bago
pa man tumuntong sa kolehiyo ay puno na ng pananabik ang aking puso, isang
matinding pananabik na marahil ay katulad ng nararanasan ng isang batang
nag-aasam ng bagong laruan. Noo’y naitatanong ko pa sa aking sarili kung
papaano ako magsisimula gayong sa bagong kabanata ng aking buhay ay mag-isa
kong sisimulan ang kuwentong marahil ay iginuhit ng tadhana.
Subalit,
sa mga tagpong iyo’y nararamdaman ko na rin ang pangungulila. Hindi ko pa nililisan ang aming bayan ngunit ito na kaagad ang aking naiisip: ang mga oras
na pinagsamahan namin ng aking mga kaibigan at pamilya. Gayunpaman, sa bawat
paggalaw ng oras ay naglalaro na rin ang iba’t ibang tinig sa aking isipan na unti-unting
nagpapangiti ng aking labi. At sa kabila ng mga ito at ng paninimdim, sinasabi ko na lamang noon sa
sarili na gagawin ko ang hakbang na ito – ang pag-aaral – para sa aking
kinabukasan, para sa aking magulang, para sa aking pamilya.
Ngiti. Limang buwang pagsasalo ng buhay. |
Naging
mailap man ang suwerte noong pagsisimula ng klase, hindi naman nito nahadlangan
ang mga bagay na unti-unting humubog ng aking pagkatao. Sa loob ng limang buwang
pag-aaral at pagtira sa Ateneo, masasabi kong unti-unti ko ring nakikilala ang
aking sarili. Nakita ko ang mga pagbabago at ang mga karagdagang aral at
kaalamang ibinahagi sa akin ng aking mga guro, kaibigan, at kaklase ay marahan
kong naisasabuhay. Sa loob ng maikling panahong ito’y hindi maikakailang nag-umapaw
din ang tuwa, ang mga ngiti, at ang mga paghalakhak. Subalit, hindi rin naging biro ang mga naranasan kong pagsubok,
hindi naging madali sapagkat mag-isa ko itong hinarap, mag-isa sapagkat
malayo sa pamilya.
At
noon ngang papalapit na ang pagtatapos ng semestre, kakaibang ako ang aking nasalamin:
mas matatag at may paninindigan. Gayunpaman, sa pagtatapos ng limang buwang
ito’y namayaning muli ang aking pananabik. At sa ngayon, ito ang pananabik na
muling mahagkan ang tinubuang bayan.
Lucban, paraiso kong bayan. |
Sa jeep pa lang pa-Lucban ay ramdam
ko na ang lamig ng simoy ng hangin. Sa bawat kilometrong nilalakbay ay
unti-unti kong nadarama ang ihip ng malamig na habagat. Habang natatanawan ko
na ang kabayana’y bigla namang bumuhos ang ulan. Sa wakas, ang
ginintuang butil na hatid ng mapagpalang kalangitan ay muli kong natamasa.
Naaalala ko tuloy ang mga panahon noong aking kabataan kung saan malaya kaming
nagtatampisaw ng aking mga kaibigan sa ilalim ng ulan. At sa bawat paa naming
dumidikit sa malambot na lupa’y panandaliang naaagaw ng ulan at ng masamyong
haplos ng hangin ang munti naming kaaliwan.
Ngayon nga, sa aking pagbabalik,
kakaibang pananabik ang aking inaasam sa muling pagbagsak ng ulan, kakaiba sapagkat
ang pagbuhos nito’y walang kapareha. Sa madaling sabi, walang katulad. Hindi ko
ito malalasap saanmang sulok ng daigdig maging sa Maynila.
Plaza at Simbahan. Kay sarap alalahanin ng mga taong nagdaan. |
Sa
pagbaba ng jeep, tinungo ko na ang terminal ng tricycle. Malayo-layo rin kasi ang
aming munting tahanan mula sa aking binabaan. Sa pagtakbo ko sa loob ng
sasakya’y naramdaman ko ang pagdaloy ng tubig mula sa aking buhok na binasa ng
malakas ng ulan. Ang mainam, sa aking pag-upo’y inihatid naman agad ako sa
patutunguhan. Sa aming binabaybay na daa’y nakita kong muli ang mga gusaling
naging bahagi ng aking buhay.
Pagdaan sa tagiliran ng simbaha’y
naalala ko ang masasayang sandali kasama ang aking pamilya. Ang bawat
intrikadong disenyong nakalilok sa matanda nitong pader ang higit namang
nagpagunita sa aking ambisyon noong bata pa. Doon ko kasi unang pinangarap na maging
arkitekto. Subalit, nang tumuntong ako sa sekundarya’y nag-iba ang aking hilig.
Gayunpaman, sa patuloy na pag-andar ay napadpad kami sa plaza, sa harap ng
munisipyo ng aming munting bayan. Ibang iba na ang hitsura nito kung ikukumpara
sa matanda nitong kalagayan nang lumisan ako para mag-aral sa Maynila. Naroroon
pa rin naman ang rebulto ni Rizal subalit ang mga kakaibang palamuting
nagpatingkad sa makulay nitong kasaysayan ang higit na humuli ng aking atensiyon.
Ilang
minuto rin ang naging biyahe at sa wakas, nakarating na sa bahay. At iyon nga
si inay, sinasalubong na ako habang dala-dala ang kanyang paboritong payong.
Pansit Lucban. Halina't habhabin. |
Sa
haba ng apat na oras, sino ba naman ang hindi magugutom sa biyahe? Buti na
lang, isang balot ng Pansit Habhab ang sa aki’y inihain. Sa pagsisimula,
sinaluhan ako ng aking pamilya. At ito nga ang matagal-tagal ko na ring
hinanap-hanap at inasam-asam: ang makakuwentuhan sa hapag-kainan ang aking mga
minamahal sa buhay. Ilang buwan ko rin itong hinintay, ilang linggo ko ring binilang-bilang.
At iyon nga, naririto na muli ako, tuwang-tuwa habang nilalasap ang
kaligayahang kasalo ang pamilyang limang buwan ding hindi nakita. Dahil na rin
sa lamig ng panaho’y natikman kong muli ang kapeng itinuturing kong espesyal,
espesyal sapagkat gawa ng aking ina. Sa bawat paglagok ay nadama ko ang init,
ang kakaibang init katulad ng muling pagtanggap ng aking bayan at pamilya sa
akin.
Muli, tumatakbo nga pala ang oras. Sa
patuloy nitong pag-andar, lumalim na pala ang gabi. Subalit, hindi pa rin ako
nauubusan ng mga kuwentong aking binitbit-bitbit nang limang buwan.
Isang paraiso. yanong rikit, baling ganda. |
Kinabukasa’y
sinalubong ako ng ngiti ng araw. Araw ng linggo. Araw ng pamilya. Agad akong
bumangon sa aking kinahihigaan at masayang hinarap ang umaga. Pagsapit ng ilang
oras ay nagtungo kami sa simbahan gaya ng aming nakagawian. Sa pagdalo sa misa ay
nagpasalamat kami sa nagdaang buwan at sa mga natamong grasya.
Iba
pa rin talaga ang pakiramdam ng makasama ang pamilya sa sariling bayan. At ito
nga ang aking pinasasalamat sa muli kong pagbabalik.
Sanggunian: