Sumasayaw nang muli ang mga puno sa saliw ng umiihip na habagat. Matapos naman ang ilang araw na paghahanap ng pagkain ay matatanaw na ang mga langgam na pumapasok sa kani-kanilang mga lungga, waring nagbabadya ng mahaba-habang unos. Ang kabukiran nama'y nagsisimula nang tumahimik. Ang mga ibo'y nagsisibalikan na sa sanga ng mga puno, lilipad-lipad, dadapo-dapo. Sa di kalayua'y naririnig naman ang malakas na tunog ng kampana, tunog na hindi lamang nanggigising ngunit nagbababala. At nagsisimula nang matakpan ang araw, bahagyang dumidilim na rin ang langit na noo'y nababalot na ng maiitim na ulap at ang mayuming kabundukan ay marahan nang nagkukubli sa bandang likuran. Maya-maya marahan nang lumuha ang kalangitan at sa di katagala'y naririning na ang lagaslas ng patak ng ulan sa lupa.
Pumasok nang muli ang panahon ng tag-ulan sa Pilipinas ngunit normal kung ituring nitong si Juan. Tag-lamig ay nagsisimula subalit iba ang binabadya, ulang hindi biro ang bugso, natatakot na rin itong si bunso. Mga mukhang hindi na maipinta, si Inay ay naghahanda na 'pagkat natuto na sa nakaraan, muling minumulat ang mata sa realidad ng buhay.
Mukha ng Paghihikahos Dumi at putik sa aking katawan Ihip ng hangin at katahimikan Bawat patak ng ulan at ang lamig - Aegis Band |
Malupit ang naging paghagupit ng habagat sa ating kapaligiran, dahilan kung bakit natabunan ng tubig ang noon ay kalsadang akala mong kay linis ngunit may tinatago palang karumihan. Mula sa tumataas na tubig baha, lumutang sa aking ulirat ang mga mukhang pagod, balot ng putik, basang-basa, at nagmamaka-awa - waring naghihintay ng bayaning susuong sa baha, isang bayaning sasagip sa kanilang kalunos-lunos at puyog na katawan. Hindi maipinta ang kanilang mga mukhang animo'y naghihikahos mula sa hukay na ang ilalim ay maaaring kamatayan. At ang mga mukha ng batang walang kamuwang-muwang sa nangyayaring kalamidad, wari'y hindi titigil sa pagluha hanggang sa tuluyang tumila ang ulan at humupa ang baha. Nasilayan din ang mga mukhang humahagulhol, mga mukhang umaasang matatagpuan pa ang mga kaanak na kung hindi nabaon ng buhay ay nawawala. Kakapoot man kung isipin, ito marahil ang mga mukhang paunang sumalamin sa paghagupit ng habagat.
Samantala, habang tinatawid ko ang ga-tuhod na baha, aking pinanlumo ang kulay ng tubig pero nasabi ko sa sarili, ito nga ang sinasabing realidad ng buhay - mga pagkakataong kailangan mo na lamang harapin dahil kung tatakasan ay walang daraanan. Dagling naglaro sa aking isipan ang ikalawang mukhang ginuhit ng habagat. Sigalot man kung ituring, may dinadala pa rin pala itong ligaya para sa ilan.
Mukha ng Pagkagalak Sinong di mapapasayaw sa ulan? - Rivermaya |
At sa patuloy na pagpatak ng ulan at sa aking patuloy na pagmumuni-muni, naisip ko na hindi pa rin mapipigilan ng malakas na ulan ang bigkis ng dalawang pusong nagmamahalan.
Simbangis na yata ng ulan ang damdamin ng dalawang pusong hindi papipigil sa kanilang nararamdaman. Sabi nga nila, hahamakin na ang lahat masunod lamang ito. At iyon nga, pinatunayan ng isang magsing-irog kamakailan lang na kahit gaano man kalakas ang ulan, mananatili pa rin silang matatag sa mata ng Diyos. Ang kanilang pagpapakasal sa kasagsagan ng habagat noong Miyerkules (Agosto 8) ang siya pang nagpalitaw at naglarawan kung ano ba talaga ang tunay na pag-ibig. Nagsilbi ang ulan bilang isang biyayang natanggap nila sa Maykapal na wari bang mas pinaiigting pa ang kanilang pagsasama. Sa huli, ginuhit ng habagat ang mukha ng pag-ibig sa kalagitnaan ng kanilang mukha, isang mukhang tila di maipaliliwanag ninuman, kailanman.
Sa kabila ng iba't ibang mukhang gumuhit sa kasagsagan ng unos, hindi pa rin mawawala sa ating mga Pilipino ang pag-alala sa mga kababayang nasalanta o nabiktima ng kalamidad. Tatak na natin bilang isang Pilipino ang isang sambayanang sabay-sabay at sama-samang bumabangon. At nitong kailan lang sigaw na ng bawat mamamayan ang mga salitang, "Pilipino Kami, Habagat Ka Lang!"
Mukha ng Pag-asa Dumaan man sa malakas na alon, lahat tayo'y makakaahon. - Star ng Pasko (ABS-CBN 2009 Christmas Station ID) |
Ilang beses na nating nagawang umahon sa mga nagdaang unos at sa ngayon nga'y patuloy pa rin natin itong isinasabuhay. Sa bawat pagpapasa-pasa ng botelya ng tubig, sa bawat pagre-repack ng mga hinatid na tulong, at sa bawat plastic bag na naglalaman ng samu't saring mga makakain at kagamitan, may mga talang tila bang kumikislap sa pagitan ng bawat isa - ang diwa ng bayanihang lumulutang sa gitna ng walang patid na pagbayo ng habagat. Sa huli, ang mga tulong na inihahatid ng iba't ibang mapagpalang kamay at mabubuting puso ay naghahatid sa ating mga kababayan ng walang kapantay na kasiyahan, dahilan kung bakit masisilayan ang mukha ng pas-asa sa bawat isa. Ito marahil ang mukhang ginuhit ng habagat upang humarap sa naghihintay na bukas.
Ang madalas na pag-uulan ay senyales pa na mas marami pang mukha ang maiguguhit ng habagat, maaaring maaliwalas, maaari rin namang hindi. Ang mga bagay na nakapinta sa nakararaming mukha ay mananatili pa ring naghihikahos. Subalit, ang katotohanang dapat pa nating pahalagahan at alagaan nang mabuti ang kalikasan ang siyang magdidikta sa ating buhay sa susunod na unos. Kung tutuusin, ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili, isa itong katotohanang pinatutunayan ng buhay upang maging handa sa kung anumang sasapitin. Gayunpaman, nawa'y magsilbing aral ang iba't ibang mukhang ginuhit ng habagat para sa mga susunod pang kabanata.
Tag-ulan na nga, at nawa, sa pagpapatuloy nating pagtahak sa buhay, alalahanin nating hindi tayo nag-iisa. Maraming taong handang tumulong at gumabay para sa atin. Iba't ibang bagay man ang nakaguhit sa kanilang mga mukha, ang katatagan ng ating pananampalataya at pananalig ang siyang magliligtas sa atin sa kapahamakan. Ika nga nila, sa payong ko, magkasama tayong dalawa.
Sources:
Binibigyan kita ng isang markang pagtaas para rito. Pagbati!
TumugonBurahin