Nang bumukas ang pinto ng elevator, binati ng isang Pilipinong bellboy ang Amerikanong lululan, "Going down, sir?" "Yes, to the ground floor," tugon ng Amerikano. "Right away, sir," magalang niyang sagot habang pinipindot ang button na magdadala sa kanila pababa. Ilang sandali, may isang Pilipinong dumating, tila ba hinahabol ang noo'y papasara nang pinto ng elevator. "Bababa ba?" tanong ng bagong dating. "Bababa," maiksing sagot ng bellboy. Dalian siyang lumingon sa Amerikano at sinabing, "He's also going down, sir!" Sa pagkalito, lumabas ng elevator ang Amerikano, wari bang nagtatanong sa sarili kung papaano nagkakaunawaan ang dalawang taong gumagamit lamang ng iisang pantig.
Muli, maligayang pagdating sa Pilipinas, ang lupain ng mga Pilipinong marahil ay maituturing ng talento ang paglalaro ng salita! Kung lilimiin, sino pa nga ba ang makagagawa at makauunawa ng ganitong uri ng pag-uusap? Sino pa nga ba kundi tayo lang mga Pilipino!! At oo, gayong sa pagpasok ng modernong panahon, naging bahagi na siguro ng kakaibang hugis ng ating kapuluuan ang natatangi nating paggamit sa wika.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, marahil ay nagugunita ko pa nang tama na nagsimula tayo sa alibata, sumunod ang paghiram sa ilang salitang Chinese, Hindi, at Malay upang pasarapin ang ating hapagkainan at binyagan ang ilang kasangkapang ginagamit natin sa tahanan. Sa huli, ang paglagom natin sa wika ng mga Kastila at Amerikano ang nagbunsod upang mabuo ang konkretong alpabetong ginagamait natin ngayon.
At iyon nga, maituturing na mahalaga ang daan-daang taong pamamalagi ng mga dayuhan sa ating bansa. Ang mga impluwensyang tumatak sa ating noo'y murang kaisipan ang nagbigay daan upang umusbong ang iba't ibang salita at pariralang higit na nagpaunlad sa ating nakagisnang kultura, gayundin sa pagpapaunlad ng sistema ng komunikasyon sa Pilipinas
Nagsisilbing kalipunan ng pagkatuto at pagkakaintindinhan ang wika, paano pa kaya kung higit itong pinalamutian ng mga Pilipino?
Sa pagsisimula, ninais kong tingnan ang nga pangkaraniwang bagay na tumatakbo sa pangaraw-araw na buhay ng mga Pilipino, kung papaano nagiging kakaiba ang paggamit natin sa wika at kung papaano nito naapektuhan ang ating pakikipagkomunikasyon. Ang ilan sa mga sumusunod, gayunpaman, ay maaaring katawa-tawa ngunit ito na marahil ang namamayaning gawi ng mamamayan ngayon.
Maituturing na wari ang Wikang Filipino bilang produkto ng iba't ibang kultura at ideolohiya, isang produktong natatangi at higit na kakaiba (sa ilang kaso).
Walang dapat alalahanin sapagkat hindi naman gawi ng mga Pilipino sa lahat ng oras ang pakikipagusap nang may iisang pantig. Gayunpaman, hindi lamang nag-iisa ang konsepto ng "Bababa ba? Bababa." sa nasasakop ng wika. Ilan pa sa mga halimbawa ay ang sumusunod na karaniwang naoobserbahan:
- Lalala (to worsen as like to being sick)
- Hal. Huwag mong pagurin ang iyong katawan. May sakit ka pa. Lalong lalala yan!
- Bobobo (to become more stupid)
- Hal. Utang na loob! Bobobo na ako! Wala na akong ibang ginawa kundi ang magpakababad sa computer.
- Nganganga (open someone's mouth)
- Hal. Hello, baby!! Nganganga na 'yan! Tingin ka rito kay mommy, heto na ang iyong pagkain.
Subalit, hindi lang ito ang nasasaklawan ng higit na nagiiba at natatanging Wikang Filipino. Lumilitaw sa ilang banda ang iba pang mas mapaglarong gawi ng mga Pilipino sa paggamit ng wika, ng salita.
Sa isang tipikal na paguusap, pinangungunahan ng salitang Ingles na "make" ang ilang Pilipinong pandiwa nang sa gayon "daw" ay maging komportable at maganda sa mga makakarinig. The dining table is a mess. Please make punas. Ikalawa, para naman daw "maiba," ginagamit ang mga naimbentong paguulit ng salita upang mapunan ang pagkamental-block ng isang tao sa isang sitwasyon. Maaaring sabihin ng isang guro: Class, how many times do I have to tell you not to chika-chika there while I’m discussing in front! Ikatlo, may nakaaalaramng pagbabago sa pagpili ng tamang salita. Ang paggamit ng panghalip ay hindi na kasama sa ating syntax. “Where na you? Here na me.” Ikaapat, milyong-milyon ang natutuksong gamitin ang lumalaganap na gay lingo. "Mga mars, vavuski!"
Mula sa mga ito'y makikita ang mga pagbabagong gumuguhit sa ating wika, mga linyang nagpapaunlad at nagpapatanyag sa Wikang Filipino. Mula sa simpleng Bababa ba? Bababa, ipinakita ng mga Pilipino ang kaibahan ng ating wika sa mundo. Umabot man sa pinakamataas na antas ng kaconyohan ang paraan ng pakikipagusap, magbibigay naman ito ng ambag sa pagpapatanyag at higit na pagpapaunlad ng ating wika.
Ang Filipino ay isang wikang pinagpala sapagkat may iba't iba itong pinanghahawakan. Isa pa, nananatili itong buhay. Kaya sa muling pagsampa sa elevator, iyon lang ang tiyak na makapagpapakilala sa ating wika sapagkat dito lang ito tanging maririnig: Bababa ba? Bababa.