June
13, 1983
Panibagong taon na
naman sa eskuwelahan ang aking bubunuin. Pero hindi ko alam kung may bubunuin
pa nga ba ako kasi parang wala rin namang nangyayari sa akin. Lumipas ang unang
dalawang taon ko sa hayskul nang eskuwelahan-bahay lang. Masyadong mahigpit kasi
si Daddy. May kinalaman ba ang pagiging pastor niya doon? ‘Di ko alam. Siguro,
mayroon. O ‘di kaya nama’y mapag-alala lamang ba talaga siya sapagkat nasa
ilalim ng Martial law ang kapuluan noon? Takot ba siyang ako’y mawala? Sabagay,
ako na sarili ko’y takot din naman maiwan sa daan kahit ala-singko y media pa
lamang ng hapon.
Ngunit
ngayong Junior na ako, nag-aasam akong makatikim ng bago, ‘yung mga tipong
dinaan-daanan ko lang noong first year at second year. Ewan ko ba. Gusto kong
makawala sa paulit-ulit na buhay ko noong mga nagdaang taon.
Mahilig
akong lumikha ng mga sulatin. Pagkukuwento o di kaya’y paggawa ng editorial ang
aking nais. Sa tuwi ngang nailalabas ang pahayagang The Junior Kingfisher ng aking paaralan, hindi ko mapigilang
mainggit sa mga kakilala kong nailalathala ang pangalan. Pinangarap ko rin
namang makita ang “Marie Vhien Umali” sa bawat pagtatapos ng artikulo. Gusto
kong masilayan ang pangalan ko. Pero bakit nga ba inunahan ako ng hiya noong
mga nakaraan taon? Gayunpaman, hindi ko na kailangang sisihin pa ang sarili
sapagkat, heto, bahagi na rin ako ng JKF.
July
15, 1983
Araw ng pasahan para sa
mga feature at literary articles na itinalaga sa amin ni Ma’am Ancheta. Proud naman
ako sa mumunting kuwentong naisulat ko. Hindi napigilan ng ulan ang sayang
nilalaman ng aking katha. At dahil nga proud ako at may pagka-OC, hindi ko
inilagay sa bag ko ang papel. Baka malukot lamang.
Papunta ako sa klasrum
kung saan kikitain kami ng aming adviser. Sa Apollo ‘yun. Magpapapulong din daw
kasi siya para sa mga karagdagan article na nais pang maisulat.
Sa kasamaang palad,
naiwan ko ang payong sa bahay. Sa pagmamadali’y nanabi na lamang ako sa mga
silong, patakbo-takbo hanggang makarating sa dulong klasrum ng pinakalumang
gusali. Ilang hakbang na lang ang aking lalakarin nang sa pambihirang
pagkakatao’y may lumabas na lalaki mula sa karatig na silid ng Apollo. Natabig
niya ang braso ko. Sa kamalas-malasan, nabitiwan ko ang papel. Utang na loob!
Lumapag ang papel sa basang misla.
Sinubukan kong habulin
ang lalaking bumunggo sa akin. Inis na inis ako. Hindi man lang bumaling ng
tingin patalikod para man lamang mag-sorry. Sino ka ba? Papatakbo na ako nang
may naramdaman akong humawak sa aking braso. May kainitan sa pakiramdam.
Nagsalita ang humawak. “Huwag mo nang habulin.” Ang lalim ng boses! Humarap
ako. Si Sid! Si Sid Esteban!
Mamula-mula ako dahil
sa pibaghalong inis at kaba. Sino ba namang hindi kakabahan kung harap-harapan
mong makikita ang tinaguriang Richard Gomez ng school. Hayy! Nagtititili ako sa
loob-loob. Noon pa man, crush na crush ko na si Sid. May katikasan, kilalang
matalino at mabait. Palabiro rin. Senior siya ngayon at siya ang Brigade
Commander ng aming CAT Unit. Maliit lamang ang aming paaralan ngunit sa dami naman
ng section sa SLPC, ni isang beses ay hindi kami nagkatagpo. Ngunit ngayon, ang
saya-saya ko! Pero syempre, malilimutan ko ba ang nabasa kong papel? Nandoon
ang aking katha. Ngunit sa akin lamang, napalitan na ni Sid ng saya ang aking
pagka-inis. Masaya na ako pero pinili ko pa ring magmaldita.
Itinaas ko ang aking
kilay habang siya’y kaharap ko. Nag-anyo akong magsusumigaw pero pinangunahan
na niya akong suyuin. Humingi siya ng tawad para sa kaibigan pala niya.
Dinampot niya ang nabasang papel.
Tinitigan ko ang mukha
ni Sid. Napangiti siya habang nakatingin sa pinulot niyang papel. Malinaw ang
biloy na lumitaw mula sa kanyang pagkakangiti. Natutunaw ako! Ngunit nahihiya
rin ako. Nararamdaman ko ang pamumula ng aking mukha. Ano kaya ang nabasa niya?
Ngunit hindi pa rin ako dapat pangibabawan ng bugso ng kakiligan. Kailangan
kong magmaldita. Kinuha ko ang papel at sabay nilayasan ang kapuri-puring niyang
presensya. Tumungo na ako sa Apollo at doon nga’y naghihintay na si Ma’am
Ancheta. Iniabot ko ang papel kahit basa. “Writing Our Own Love Story.
Interesante,” ani ma’am.
July
18, 1983
Araw ng lunes. Wala pa ang masungit na si
Ma’am Laguador. Gutom na gutom na ako kaya’t tumungo ako sa canteen upang
bumili ng makakain. Naupo ako malapit sa may pinto para sa gayo’y makatatakbo kaagad
ako kung sakaling nakita kong paparating na si ma’am. Kumuha ako ng tubig. Sa
likod ko, may narinig akong halakhakan. Nandoon si Sid. Naririnig kong
tinatawag ng kanyang mga kaibigan ang pangalan niya. Nakasisiguro ako rito. Pinilit kong hindi lumingon habang umiinom.
Syempre, napangingibabawan na naman ako ng hiya. Unti-unti’y nawala na ang
tawanan. Bakit kaya? Nandiyan na ba si Ma’am Laguador? Sa hindi na namang
inaasahang pangyayari, nakaharap kong muli si Sid. Dala-dala ang kanyang baso
upang kumuha rin ng tubig, nagpakilala siya sa akin.
“’Kumusta ang iyong
katha? Nagustuhan ba ni Ma’am Ancheta?” tanong niya sa pinakamahinahon na
paraan. “Ako si Sid. Sid Esteban,” dagdag niya.
Hindi ko alam ang aking
isasagot. Alangan namang magsinungaling pa ako na hindi ko siya kilala. Mas
lalong nakakahiya.
Maraming tumatakbo sa
aking utak. Hindi ko alam kung ano ang aking bibigkasin. Naghahalong pagkagalak
at kilig ang namamayani sa aking diwa. O Sid! Bakit ganito?
“Vhien. Marie Vhien
Umali.”
Iyon. Pangalan lang ang
aking nasabi.
Papaalis na ako nang
ito’y sambitin niya sa akin: “Maganda. Maganda ang iyong katha. Pamagat pa
lang, nakuha mo na ako.” Akmang hahakbang na ako papalayo nang bumulong siya sa
akin, “Can we write our own love story? Ang cute mo!” Sapul. Sa loob-loob ko,
nagtatatalon na naman ako sa tuwa. Gusto kong magsasayaw, sumigaw,
magpagulong-gulong! Dahil ba sa kanya’y maisusulat ko na ang aking kuwentong
pag-ibig?
Nobyembre
17, 1983
Hulyo pa nang huli kong
maisulat ang mga pangyayari sa amin ni Sid. Mula noong nagpakilala siya, hindi
na niya ako tinigilan. Sa bawat oras ng labasan, nakatanaw na siya doon sa may
gate. Nagkukunwaring abala ngunit sa anyo at postura pa lamang kanyang malamang
katawa’y maaaninag na kaagad ang kanyang pananabik.
Walang
oras na hindi ako naging malungkot kay Sid. Sa tuwing oras ng aking klase at
bakante siya, dumadaan siya sa silid. Pasimple ngunit dama ko ang landi mula sa
kanyang maiingat at mapaglarong tingin. Sa may bintana kung saan ako malapit na
nakapuwesto, hihimig siya ng mga paborito kong awit. Mahina nga lang sapagkat
baka madinig ng aking guro. Kung minsan, magpupuslit siya ng maliliit na papel,
mga papel na naglalaman ng maiikling tula. Ako namang madaling maapektuhan,
tataob na lamang sa pagkakaupo upang hindi mapansin ng aking mga kaklase ang
kakaibang kilig na nararanasan. Pipilitin kong tumagal sa pagkakataob nang sa
gayo’y wala na ang lamat ng kakaibang pakiramdam sa aking muling pagharap.
Dahil nga takot sa kung anumang peligrong
dulot ng Martial Law si Daddy, maaga pa rin akong nakauuwi ng bahay.
Natatandaan ko noong unang beses akong inihatid ni Sid. Biyernes iyon.
Katatapos lang ng exam, ala-singko ng hapon. Maliwanag pa. Maliwanag pa talaga
sapagkat kitang-kita mula sa bintana ng bawat bahay sa aming lugar ang mga
matang pilit na umoosyoso sa nakikita nilang bago. Ako, si Vhien, ay may
kasamang lalaki. Kung anong takot ko sa mga matang iyon, siya rin namang takot
ni Sid sa mga mata ng magulang ko. Nanginginig si Sid nang makita niya si
Daddy.
Pumasok
ako sa silid ko upang palitan ng pambahay ang uniporme kong suot. Iniwan kong
nag-uusap sina Sid, si Daddy at si Mommy sa sala, at syempre, nangangamba rin
ako sapagkat baka may gawing kalokohan ang aking Daddy. Ayaw ko namang mapahiya
si Sid.
Hindi naman nagtagal
ang aking pagbibihis ngunit sa paglabas ko’y nakita kong kumaripas ng takbo
pababa ng aming bahay si Sid. Hindi ko maunawaan kung bakit. Aayaw sabihin ni
Daddy ang dahilan ngunit tatawa-tawa si Mommy.
“Hintayin mo kung
babalik pa siya bukas,” bulalas ni Daddy. “Ganun ba ang Corps Commander,
tumatakbo na lang papalabas?” uyam pa niya.
Balisa ako, syempre.
Nakakahiya si Daddy.
Gabi na ngunit hindi
ako makatulog. Si Sid ang aking naiisip. Maghahating-gabi na ngunit heto, mulat
pa rin ako.
Kinaumagahan. Kanina pa
pala ako kinakatok ni Mommy sa kuwarto. Mag-a-alas nueve y media na.
“Si Sid bibisita
mamaya!”
Napabangon ako nang wala
sa oras. Hindi naman ako nakasisiguro kung nagsasabi nang totoo si Mommy. Pero
ewan ba talaga. Sa kanya na talaga umiikot ang mundo ko. Siya ang aking
bukambibig sa tuwina. Hindi mawaglit sa aking diwa ang kanyang pagdirito. Sa pagkakaganito
ko, wala na akong nagawa kundi paniwalaan na lang ang sinabi ni Mommy. Umaasa
talaga akong babalik si Sid.
Ala-sais ng gabi.
Syempre balisa ako sapagkat wala namang Sid na nagpakita. Tahimik na oras na
ito para sa bayan gayong lahat nga’y takot sa banta ng Martial Law. Nagbihis pa
mandin ako nang maayos at ito nga’y napuna pa ni Mommy at ni Daddy.
Sinusubaybayan ko ang
paggalaw ng oras. Ilang minuto na akong nakatitig sa kamay ng orasan ngunit
walang nangyayari. Tinatawanan na nga ako ng aking nag-iisang kapatid, maging
sina Mommy at Daddy. Dalawang minuto ang lumipas nang biglang...
... nagsitahulan ang
mga aso ni Lola Bining sa silong.
Hindi ko mawari ang
nangyari. May mga magnanakaw ba na nakapasok sa iluhan ni lola? Natatakot ako.
Tinawag ko si Daddy. Maya-maya, may boses na lumitaw. Sa bandang harap ng bahay
namin, sa may silong kung nasaan malapit ang mga aso ni lola, doon ko natanawan
si Sid. Umaawit.
Poging-pogi kung umawit
si Sid. Sa saliw ng magandang harmonya ng gitara niya’y nakikipaglaro ang buo
at artistahin niyang boses. Unang beses ko siyang marinig kumanta at sa unang
pagkakataong iyon ay higit niya akong napa-ibig.
Kumpletos rekados ika
nga. Maganda ang lapat ng asul niyang polo sa kisigan niyang katawan. Matingkad
at maayos ang pagkakaayos ng kanyang itim na buhok na halatang pinasadahan ng
maraming pamada. Sa ganda ng kanyang pagkaka-awit, waring napamahal din sa kanya
ang mga tala sa kalangitan. Kumikislap ang langit, kasabay ng pagkislap ng
aking mga luhang nagpupumilit bumagsak mula sa aking mata buhat ng nag-uumapaw
kong kagalakan. Natutunaw ang aking puso. Natutunaw at nagkukumahog sa
pag-pintig. Hindi ko mapigilan ang nararamdaman. Naluluha ako habang mula doon
sa durungawa’y pinagmamasdan ko ang aking irog.
Ibang saya ang tunay
kong naramdaman. Sapagkat maliban kay Sid ay nakita ko rin ang pagmamahal nina
Mommy at Daddy. Nakangiti sila habang pinagmamasdan ako doon sa bintana na
lilinga-linga at pupunas-punas ng luha. Nilapitan nila ako at niyakap habang
patuloy lang sa pag-arangkada ang napakadalisay na boses ni Sid.
Lumalalim na ang gabi
at sa di kalayua’y natanawan ni Daddy na may paparating na mobil ng pulis. Ala-siyete
na. Mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng gawain sa gabi. Sa takot na
may mangyaring masama kay Sid, tumakbo si Daddy sa silong. Kasabay ng pagbukas
ng malaking barandilya sa hagdan ay ganoon din ang ginawang paghila ni Daddy
kay Sid upang makapasok sa loob.
Masama marahil ang
tingin ng kapitbahay gayong sa amin magpapalipas ng gabi si Sid. Hindi siya
pinayagang maka-uwi ni Daddy dahil na rin sa pangamba sa labas.
Sinalubong ko nang
buong ngiti ang pagsusumikap ni Sid na ako’y haranahin. Masaya ako sapagkat
malugod na siya ngayong tinanggap nina Mommy at Daddy, kumpara kahapon na halos
takutin at paglaruan. Masaya ako sapagkat ngiti ang nakabandera sa labi ni Sid.
Sabay-sabay kaming
kumain ng hapunan. Halatang wala sa natural na kilos si Sid. Gayunpaman, hindi
naman siya tinadtad ng tanong ni Daddy. Nagulat nga ako kasi sobrang bait ni
Daddy.
Oo, bantay sarado kami
ni Daddy sa sala matapos ang hapunan. Sa mga usapin, hanggang sa mga isyung
pampaaralan lang ang napagku-kuwentuhan namin ni Sid. Konting lihis, may ubo si
Daddy. Bawal ang magkatitigan. Bawal din ang maghalakhakan.
Hindi ko lubos na
maisip na sa ganitong paraan ko maipakikilala ang aking pamilya kay Sid. Kay
bilis ng mga pangyayari. Maging ang bilis ng pagtanggap ng aking pamilya sa
kanya ay tila ba napakahiwaga rin at kapaisip-isip. Inilatag ba ng tadhana sa
ganitong paraan ang aming pagtatagpo? Sa ganitong paraan ba namin isusulat ang
aming kuwentong pag-ibig? Maya-maya, humudyat na si Daddy. Oras na ng
pagpapahinga. Pumasok na ako sa kuwarto ko, kasama ko ang kapatid kong si Anton.
Si Sid, sa silid ni Anton magpapalipas ng gabi. Sa pagtanaw mula sa papasarang
pinto ko huling nasilayan si Sid. Nakangiti. Subalit, hindi ko madama ang init
ng ngiting iyon. Parang nanlamig ako. Humiga ako sa kama. Balisa. Ano ang
mayroon kay Sid?
Maghahatinggabi nang
hindi mapigilan ng aking sarili ang pag-aalala kay Sid. Tahimik kong nilisan
ang kama. Binuksan ang pinto at tinungo ang kuwarto ni Anton.
Wala si Sid sa kuwarto.
Hinagilap ko siya sa buong bahay. Magmula sa kusina, sa sala, sa banyo. Wala si
Sid. Maluha-luha akong bumaba sa silong. Sa pagbaba, doon ko lamang siya
nakita. Naroroon at hinihimas ang mga alagang aso ni lola.
“Pasensya na Vhien,
nagising ba kita dahil sa tahol ng mga asong ito? Pasensya, hindi ko
sinasadya,” bulong niya.
“Hindi Sid. Nag-aalala
lang ako sa’yo. Hindi ako makatulog.”
“May problema ba?” agad
niyang tanong.
“Baka ikaw ang may
problema. Nais mo bang sabihin sa akin?” usisa ko.
Natigilan si Sid.
Napabuntong-hininga at ilang segundo ring nanatiling tahaimik.
“Matagal ko na itong
nais sabihin sa iyo, Vhien. Natatakot lang ako sapagkat hindi ko pa mapagtanto
kung nanaisin ko ba talaga ito.”
“Anong ito?” tanong ko.
“Binigyan ako ng
pagkakataon ng PMA na mag-aral sa kanila. Napasa ko ang kanilang entrance
exam.” pag-amin ni Sid.
“Kung gayon, hindi ba’t
mas kailanagan mong magdiwang kaysa malungkot? Ako, masaya akong naipasa mo
iyon. Hindi ba’t ito nga talaga ang iyong nais?”
“Nagdiwang na ako noong
oras na mabasa ko ang Acceptance Letter. Subalit ngayon na nandirito ka at
ako’y nandirito para sa ‘yo, hindi ba’t kay pait naman kung ako’y nandoroon sa
Baguio at ika’y nandito sa Lucban? Nagsisimula pa lang tayo ngunit hindi ko
maiwasan ito na sa aki’y bumagabag.”
Nalungkot din ako.
Ngunit sa ganitong panahon na kailangan kong maging matibay para kay Sid,
nilabanan ko ang takot.
“Ito lang ang tandaan
mo. Kahit anong mangyari, tayo ang magsusulat ng ating love story. Sa ganoon
tayo nagtagpo, sa ganoon din natin tatapusin.”
Bagama’t malamig na
hangin ang pumapasok sa ilalim ng maninipis na yerong nakaharang sa harap ng
iluhan, init ang dumadampi sa amin. Doon sa iluhan, marahan kong ipinatong ang
aking ulo sa balikat ni Sid. Sa araw na ito kami naging kami.
December
7, 1985
Mahiwaga ang buhay.
Maamo ang tadhana sa
aming dalawa ni Sid. Simula nang nag-PMA siya noong 1984, heto’t nakasunod din
ako sa Baguio. Pastor si Daddy at nadestino siya rito sa Cordilleara noong
Hunyo. Nakagagalak. Iisang bundok na lamang ang tinitindigan namin ni Sid.
Nakakatawa rin, sapagkat hindi pa niya alam na dito na kami naninirahan.
Gayunpaman, sabik na akong makita siyang muli. Puno na naman ng pananabik ang
aking puso sapagkat halos isang taon din kasi kaming hindi nagkita. Graduation
pa niya noong hayskul ang huli naming pagtatagpo.
Bukas! Bibisitahin
namin siya ni Mommy at Anton.
Mahirap mang isipin, pero
proud akong sabihin na mabuti naman ang aming relasyon. Sa pamamagitan ng mga
liham na ipinupuslit niya sa mga bisita ng ilan niyang kabarkada sa academy,
doon kami nagkaka-usap.
Ako naman. Anong balita
sa akin? Sa ngayon, nasa unang taon ako ng kolehiyo. BS Nursing dito sa St.
Louis University.
December
5, 1985
Mapait ang buhay.
Nasa PMA kami kanina
ngunit wala ni isang Sid ang nagpakita sa amin. Nagtanong-tanong kami sa mga
opisyales. Oo, kilala nila si Sid. Ang nakagagambala, ipinaalam nila na
natanggal na si Sid sa listahan ng mga kadete. Ang dahilan: naaksidente siya sa
isang rope course noong Nobyembre. Hindi na siya papayagan pang makabalik muli
dahil sa isa ring nadiskubreng kumplikasyon sa kanyang kalusugan.
May tumor sa utak si
Sid.
Nagulo ang pag-iisip ko
sa aking nalaman. Hindi ko magawang maniwala sapagkat wala rin isa na
makapagsabi kung saan dinalang ospital si Sid. Ni record ng ganong kaso sa
paaralan ay hindi man lamang naipakita sa amin. Buo ang paniniwala ko na
itinatago lang ng mga walang hiyang kadeteng iyon at ng akademya ang aking nobyo.
Pinaglalaruan lamang ako. Hindi siya nagkasakit. Kung totoo man, saan ko siya
matatagpuan?
Ayaw kong maging tanga
sa pamamagitan ng pag-iisip na, oo, itinatago lang sa loob si Sid. Ngunit ayaw
ko rin namang idiin sa sarili na wala na si Sid sa PMA. Ngunit sa tuwing
naaalala ko ang pait ng sandaling iyon, hindi ko mapigilang lumuha na lang at
magmukmok. Nadama ba ni Sid na mawawala siya kaya nasabi niya ang kanyang
kalungkutan noong gabing nakita ko siya sa iluhan? Iyon ba dapat ang panahon
upang pigilan ko siya na huwag nang sumabak pa sa pagsusundalo? O sadya lang ba
talagang naging mabuti ang tadhana noon upang sabihin sa akin na, “Vhien, huwag
mong hayaang malayo sa iyo si Sid. Ang paglayo niya’y paglalayo rin ninyo”.
Masakit sa akin
sapagkat hindi ko alam ang aking gagawin. Sid, bakit? Hanggang kailan ko
dadamdamin ang pangungulilang ito? Nangungulila ako sapagkat hindi ko alam kung
saan kita mahahanap. Nangungulila rin ako sapagkat, ‘yung tumor na tumubo sa
utak mo ay maaring siyang maging mitsa ng hindi na nating pagkikita.
Sa mga sandaling ito’y
ayaw kong lumabas ng kuwarto. Ayaw harapin sina Mommy at Daddy na mugto ang
aking mga mata. Ayaw kong harapin si Anton na lumuluha ako.
Gusto ko sa paglabas
ko, ikaw Sid ang sasalubong sa akin.
March
13, 1989
Mag-aapat na taon nang
hindi ko nakakausap si Sid. Simula noon, nawalan na rin ng saysay para sa akin
ang pagsusulat dito sa diary. Para saan pa nga ba? Iyon ang tanong ko noon.
Malapit
na kasi ang graduation at nautusan ako ni Mommy na linisin man lang ang aking
lungga. Maraming paparating na bisita sa isang araw. Salamat na lamang at sinunod
ko ang utos kahit dalawang araw pa ang pag-itan. Muli ko itong nahanap. Muli
kong natagpuan ang alaala ni Sid. Sa pagkakahanap ko rito, may sinasabi na
naman ba sa akin ang tadhana? Makikita ko bang muli si Sid?
Ayaw
ko nang umasa. Masasaktan lang ako muli. Mapait ito para sa akin sapagkat hindi
man lamang kami nagkapaalamanan nang maayos.
Gayunpaman,
sinulatan ko pa rin ito upang sa gayo’y gumawa ng panibagong alaala. Kailanman,
bahagi na si Sid ng aking buhay. Kailanman, hindi ko siya makakalimutan. Ang
diary na ito ang aking alaala.
Second
year college nang makilala ko si Marco. Nursing student din. Dalawang taon ang
tanda niya sa akin. Masayahin siyang tao, parang si Sid. Sa totoo lang, nakita
ko si Sid kay Marco kaya tila ba napagaan din ang loob ko sa kanya.
Nagsimula
kaming maging magkaibigan sa isang klase sa Anatomy. Tungkol sa utak ang topic.
Iyon ang hilig niya. Mataas ang nakukuha niyang marka sa tuwing may pagsusulit.
Akong naging biktima na ng pagkatanga dahil sa utak na iyan, ayun, passing na
lamang ang nakukuhang grade.
Naging malapit ako sa
kanya sapagkat sa kanya ako lumalapit sa tuwing nahihirapan na ako sa mga
aralin. Sa katotohanan, naging mas vocal din ako sa kanya tungkol sa naudlot
kong pag-ibig kay Sid. Naging balikat ko siya sa mga problema ko.
Tatlong taon din kaming
nagkasama ni Marco. Ngunit hindi ko siya lubusang nakilala. Ewan ba. Likas lang
talaga siyang mapanlihim.
Nga pala, mamaya
papunta rito sa bahay si Marco. Susunduin ako para umattend sa pre-graduation
party ng isa ko pang kaibigan na si Stella.
Pero bago ako magbihis
para sa lakad mamaya, tinawag ako ni Anton. May naghahanap daw sa akin. Si
Marco na ba’yon? Hindi ba’t maaga pa?
March
14, 1989
Basta
ang huli kong natatandaan, si Stella at Marco ang kasama ko. Ang huli kong
ininom, Iced Tea.
Kaya
nga. Hindi ko talaga maunawaan kung bakit ako nalasaing. Kung bakit na lamang
ba umikot ang aking paningin noong graduation party ni Stella. At ang hindi ko
rin talaga maintindihan, bakit ako nagising nang walang saplot sa loob ng isang
‘di ko kilalang silid.
Masakit
ang ulo ko noong tumatapat na ang araw sa kanto ng aking mga mata. Ginigising
na ako’t tila pinababangon. Sumisikat na ang araw ngunit dama ko pa rin ang
lamig.
Ang
pagdapo ng lamig sa aking katawan ang siyang nagbigay sa aking sa wisyo upang
isipin na wala ako ni underwear na suot. Kinabahan ako. Noon ko lang natanong
ang sarili, “Nasaan ako? Bakit ako nandirito? Sinong kumuha ng aking mga damit?
Sinong nagtanggal nito sa akin?” Naguguluhan na naman ako. Ganito na lang ba
palagi? Pamisteryo ang buhay? Kailangan bang palaging may hahanapin?
Binalot
ko sa puting kumot ang aking katawan. Takot na takot ako sa pangyayari.
Nanginginig ang buo kong katawan hanggang sa isang iglap ay pumasok si Marco sa
kuwarto. Galing banyo. Hubad. Sa pinakatarantadong paraan, inihagis niya ang
mga damit ko. At nagawa pa niya akong alukin ng Iced Tea. “Uhaw ka pa ba?”
Putang
ina talaga. Puta! Gago. Nagngangalit ako sag alit kay Marco. Sinuot ko ang
aking damit at tumakbo papalabas.
Luhaan
akong nagtatatakbo sa kalye ng Baguio. Madilim ang aking paningin. Wala akong
sinasanto sa daan. Kahit ba bata na nakaharang sa daan ko’y itutulak ko.
Nagmukha akong baliw na ipinatapon lang sa Baguio dahil maraming tao. Masakit
ang aking dibdib. Malapit nang pumutok sa sama ng loob.
Pawisan.
Luhaan. Ganito ako nakarating sa bahay. Walang tao. Wala ang pamilya ko. Dito’y
hindi ko mapigilan ang galit. Nabasag ko ang ilang salamin ng bintana. Naitaob
ko sa muhi ang mga silya at mesa. Ang lahat sa aki’y basura na kailangang
itapon.
Napaupo
na lang ako sa sahig. Nagsusumigaw.
Sa
‘di inaasahang pagkakataon, may dumating na tao sa bahay. Concern citizen
marahil na gustong macheck kung okey lang ba ako. Pulis din maaari na gusto
akong hulihin dahil sa pagcha-child abuse na nagawa ko sa mga nakasalubong kong
paslit kanina. Pero nagkamali ako.
Muli
kong nasilayan si Sid sa pinto ng aming bahay. Hindi ako nagkakamali sapagkat
iyong-iyon ang mukha na tumatak na talaga sa aking alaala. Iyon ang mukhang
iniyakan ko dahil sa pagkawala niya. Siya ang buhay ko noong hayskul. Siya.
Siya ang tanging nagharana sa akin. Siya si Sid. Buhay si Sid! Tumakbo ako
upang yakapin siya.
Nawala
tila ba lahat ng dinaramdam ko sa muling pagtatagpo namin ni Sid. Sa tindi ng
pagkakayapos ko’y hindi ko na rin napigilang siya ay halikan. Sinipa ko ang
pinto. Isinarado. Hinila ko si Sid papunta sa aking silid. Hindi siya
nagpumiglas. Tinanggal kong muli ang aking mga damit. Hinubaran ko siya. Nagkalasan
kami ng mga suot. Sa gitna ng sikat ng araw, nag-uumpugan ang aming mga katawan.
Dama ko ang init ng pagmamahalan na minsa’y binalak pang bawiin ng buhay. Sa
mga halik at pagdaloy ng aming mga kamay sa aming mga katawan, napunan ang
aking pangungulila.
Nasa
harap ko na ngayon si Sid. Ang yugyugang nadarama ko rito ang siyang magsisimula
muli at tatapos ng aming pagsasama. Iyon na ang aking dinidikta.
Pawisan
kaming dalawa. Hindi ko namalayan ang oras. Pagkaraos ni Sid, binaling ko ang
aking ulo sa kanyang dibdib. Dito’y ‘di ko na napigilang umiyak muli.
October
6, 1989
Hinanap
ko ang diary ko. Gusto kong magsulat. Ang tangi ko lang naalala, may nurse at
doctor sa harap ko. Nakatingin sa akin si Anton. Si Mommy umiiyak, si Daddy
yapos si Mommy.
February
14, 1990
Nasa
Burnham Park kami ng aking pamilya. Si Sid ang katabi ko. May mansanas kaming
kinakain. Nagtatatakbo si Anton sa parang, kasama ang ilang paslit na halos
kasing edad lang niya. Niyakap ako ni Sid. Hinawakan niya ang aking kamay para
ituro si Mommy at Daddy na masayang nagbibisikleta sa may dulo ng parke.
May
15, 1990
Umiyak
daw ako kagabi sabi ni Anton. Gayunpaman, masaya ako sapagkat katabi kong muli
si Sid. Hinalikan niya ang aking noo. Maya-maya’y may pumasok na babae. May
injection na dala. Hindi ba’t nagawa ko rin ‘yun noong kolehiyo?
July
16, 1990
Masaya
ako’t nakita ko nang muli ang diary ko. Chineck ko ang huling petsa: May 15.
Pista pa pala sa Lucban noong huli akong nagsulat.
Bumalik
si Sid sa loob ng ospital. Pinagkatiwala niya ako sa isang babaeng matanda.
Okay lang. Hindi naman masungit. Ang bilin niya, pakibantayan lang daw ako at
may nakalimutan lang siya sa loob.
Hapon
at mag-a-alas-kuwatro y media na. Masaya akong makita ang mga tao. Ang paligid.
Ngayon ko lang uli itong nakitang maberde at makulay. Subalit, unti-unti akong
nakaramdam ng pagyanig ng lupa.
Hala!
Lumilindol pala. Umalis ako sa ilalim ng waiting shed.
Nagtatakbuhan
na ang mga tao. Ang aleng pinakisuyuan ni Sid ay naglaho. Sa dako malapit sa
ospital, marami akong nakikitang nagtatakbuhang naka-puti. Hinahanap ko si Sid.
Nakatingin ako sa ospital na wari bang kinokontrol ang huwag sanang pagtumba
nito. Ngunit
segundo lang ang binilang nang bigla
itong gumuho.
‘Di ko maunawaan kung
matutuwa ako o hindi. Nasa loob si Sid. Ligtas ako rito. Natatawa ako ngunit
naiiyak. Luha. Pumapatak na ang aking luha. Humahalo sa alikabok. Nalalasahan
ko ang alikabok. Nalalsahaan ko ang alikabok na may luha! Ang pait! Nasaan na
ba si Sid? Iiwan mo ba akong muli? Lumabas ka. Huwag mo akong iiwan. Sid,
samahan mo ako at ligtas ako rito.
Iyong mga gumuhong gusali
ng Baguio, iyon na lamang ba ang buhay ko?
---
Isa lamang ako sa
mapapalad na nakaligtas sa pagguho ng Baguio General Hospital. Maswerteng
maituturing sapagkat nabiyayaan pa ako ng karagdagang buhay. Ngunit hindi ko
rin masabing suwerte ako sapagkat nawalan din naman ako ng minamahal. Hindi ko
na silang nakitang muli.
Naranasan ko rin namang
mangulila. Isang beses lamang iyon ngunit inabot din nang mahaba-habang taon.
Nakalulungkot lalo't naiisip ko na sa kabilang banda'y may nag-aasam din ng aking
presensya. Ewan ko ba kung bakit ganito ang buhay. Kung kailan naramdman ko na
ang lahat ay bumabalik sa dati, bakit may panibagong pihit na namang ginawa ang
tadhana? Wala na ba itong inasam sa akin kundi ang makita akong nagpipighati at
nalulungkot? Nandirito lang ba ako para mag-isa?
Sa pagbabalik-tanaw ko
sa mga pangyayari, higit ko pa ring pinanlulumuan ang makita ang sugatan at
wala nang buhay ang mahal kong si Vhien. Nakuha ko ang mga gamot na sana'y
tutulong upang mapabuti ang kanyang kalagayan, ang kanyang pag-iisip. Nakuha ko
nga ang mga ito ngunit agara'y nawalan din ng bisa. Wala na si Vhien. Wala na ang aking mahal. Sa pagdalamhati'y
niyakap ko na lamang siya nang mahigpit, na may buong ang paniniwala na sa
bawat paghigpit ng braso ko sa malambot niyang katawa'y muling dadaloy ang dugo
sa kanyang mga litid.
Ang malagim na trahedya
sa Baguio ang patuloy na nagpapaalala sa akin sa nawala kong pag-ibig. Ngunit,
hindi ko maaaring limutin ang maliit na diary na nakuha ko sa tabi ni Vhien
upang sariwain ang nagdaan sa amin.
Sa pagbisita ko sa
kanyang puntod ngayon, bitbit ko ang mga alaala, mga alaalang ngayo'y nakasulat
na lamang sa mumunting papel na kanyang pinagsama-sama. May mga puwang ang
ibang pahina. Sa aking pagbubuklat, may mga kataga akong nabasa.
“Dito isusulat ni Sid
ang kuwento ng aming love story.”
Tumulo ang aking luha.
“Miss na kita, Vhien.
Mahal na mahal kita.”