Linggo, Oktubre 14, 2012

Ang Pagbabalik


                   
                   There’s no place like home.

                Bago pa man tumuntong sa kolehiyo ay puno na ng pananabik ang aking puso, isang matinding pananabik na marahil ay katulad ng nararanasan ng isang batang nag-aasam ng bagong laruan. Noo’y naitatanong ko pa sa aking sarili kung papaano ako magsisimula gayong sa bagong kabanata ng aking buhay ay mag-isa kong sisimulan ang kuwentong marahil ay iginuhit ng tadhana.

                Subalit, sa mga tagpong iyo’y nararamdaman ko na rin ang pangungulila. Hindi ko pa nililisan ang aming bayan ngunit ito na kaagad ang aking naiisip: ang mga oras na pinagsamahan namin ng aking mga kaibigan at pamilya. Gayunpaman, sa bawat paggalaw ng oras ay naglalaro na rin ang iba’t ibang tinig sa aking isipan na unti-unting nagpapangiti ng aking labi. At sa kabila ng mga ito at ng  paninimdim, sinasabi ko na lamang noon sa sarili na gagawin ko ang hakbang na ito – ang pag-aaral – para sa aking kinabukasan, para sa aking magulang, para sa aking pamilya. 

Ngiti. Limang buwang pagsasalo ng buhay.


                Naging mailap man ang suwerte noong pagsisimula ng klase, hindi naman nito nahadlangan ang mga bagay na unti-unting humubog ng aking pagkatao. Sa loob ng limang buwang pag-aaral at pagtira sa Ateneo, masasabi kong unti-unti ko ring nakikilala ang aking sarili. Nakita ko ang mga pagbabago at ang mga karagdagang aral at kaalamang ibinahagi sa akin ng aking mga guro, kaibigan, at kaklase ay marahan kong naisasabuhay. Sa loob ng maikling panahong ito’y hindi maikakailang nag-umapaw din ang tuwa, ang mga ngiti, at ang mga paghalakhak. Subalit, hindi rin naging biro ang mga naranasan kong pagsubok, hindi naging madali sapagkat mag-isa ko itong hinarap, mag-isa sapagkat malayo sa pamilya.

                At noon ngang papalapit na ang pagtatapos ng semestre, kakaibang ako ang aking nasalamin: mas matatag at may paninindigan. Gayunpaman, sa pagtatapos ng limang buwang ito’y namayaning muli ang aking pananabik. At sa ngayon, ito ang pananabik na muling mahagkan ang tinubuang bayan.

Lucban, paraiso kong bayan.


Sa jeep pa lang pa-Lucban ay ramdam ko na ang lamig ng simoy ng hangin. Sa bawat kilometrong nilalakbay ay unti-unti kong nadarama ang ihip ng malamig na habagat. Habang natatanawan ko na ang kabayana’y bigla namang bumuhos ang ulan. Sa wakas, ang ginintuang butil na hatid ng mapagpalang kalangitan ay muli kong natamasa. Naaalala ko tuloy ang mga panahon noong aking kabataan kung saan malaya kaming nagtatampisaw ng aking mga kaibigan sa ilalim ng ulan. At sa bawat paa naming dumidikit sa malambot na lupa’y panandaliang naaagaw ng ulan at ng masamyong haplos ng hangin ang munti naming kaaliwan.
Ngayon nga, sa aking pagbabalik, kakaibang pananabik ang aking inaasam sa muling pagbagsak ng ulan, kakaiba sapagkat ang pagbuhos nito’y walang kapareha. Sa madaling sabi, walang katulad. Hindi ko ito malalasap saanmang sulok ng daigdig maging sa Maynila.

Plaza at Simbahan. Kay sarap alalahanin ng mga taong nagdaan.


                Sa pagbaba ng jeep, tinungo ko na ang terminal ng tricycle. Malayo-layo rin kasi ang aming munting tahanan mula sa aking binabaan. Sa pagtakbo ko sa loob ng sasakya’y naramdaman ko ang pagdaloy ng tubig mula sa aking buhok na binasa ng malakas ng ulan. Ang mainam, sa aking pag-upo’y inihatid naman agad ako sa patutunguhan. Sa aming binabaybay na daa’y nakita kong muli ang mga gusaling naging bahagi ng aking buhay.

Pagdaan sa tagiliran ng simbaha’y naalala ko ang masasayang sandali kasama ang aking pamilya. Ang bawat intrikadong disenyong nakalilok sa matanda nitong pader ang higit namang nagpagunita sa aking ambisyon noong bata pa. Doon ko kasi unang pinangarap na maging arkitekto. Subalit, nang tumuntong ako sa sekundarya’y nag-iba ang aking hilig. Gayunpaman, sa patuloy na pag-andar ay napadpad kami sa plaza, sa harap ng munisipyo ng aming munting bayan. Ibang iba na ang hitsura nito kung ikukumpara sa matanda nitong kalagayan nang lumisan ako para mag-aral sa Maynila. Naroroon pa rin naman ang rebulto ni Rizal subalit ang mga kakaibang palamuting nagpatingkad sa makulay nitong kasaysayan ang higit na humuli ng aking atensiyon.

                Ilang minuto rin ang naging biyahe at sa wakas, nakarating na sa bahay. At iyon nga si inay, sinasalubong na ako habang dala-dala ang kanyang paboritong payong.

Pansit Lucban. Halina't habhabin.


                Sa haba ng apat na oras, sino ba naman ang hindi magugutom sa biyahe? Buti na lang, isang balot ng Pansit Habhab ang sa aki’y inihain. Sa pagsisimula, sinaluhan ako ng aking pamilya. At ito nga ang matagal-tagal ko na ring hinanap-hanap at inasam-asam: ang makakuwentuhan sa hapag-kainan ang aking mga minamahal sa buhay. Ilang buwan ko rin itong hinintay, ilang linggo ko ring binilang-bilang. At iyon nga, naririto na muli ako, tuwang-tuwa habang nilalasap ang kaligayahang kasalo ang pamilyang limang buwan ding hindi nakita. Dahil na rin sa lamig ng panaho’y natikman kong muli ang kapeng itinuturing kong espesyal, espesyal sapagkat gawa ng aking ina. Sa bawat paglagok ay nadama ko ang init, ang kakaibang init katulad ng muling pagtanggap ng aking bayan at pamilya sa akin.
               
Muli, tumatakbo nga pala ang oras. Sa patuloy nitong pag-andar, lumalim na pala ang gabi. Subalit, hindi pa rin ako nauubusan ng mga kuwentong aking binitbit-bitbit nang limang buwan.

Isang paraiso. yanong rikit, baling ganda.


                Kinabukasa’y sinalubong ako ng ngiti ng araw. Araw ng linggo. Araw ng pamilya. Agad akong bumangon sa aking kinahihigaan at masayang hinarap ang umaga. Pagsapit ng ilang oras ay nagtungo kami sa simbahan gaya ng aming nakagawian. Sa pagdalo sa misa ay nagpasalamat kami sa nagdaang buwan at sa mga natamong grasya.
                
                Iba pa rin talaga ang pakiramdam ng makasama ang pamilya sa sariling bayan. At ito nga ang aking pinasasalamat sa muli kong pagbabalik.




Sanggunian:




Linggo, Oktubre 7, 2012

Pagsisisi


Napakatagal na nating magkaibigan. Oo, sumasang-ayon akong naging
 mahaba ang ating oras. Subalit, bakit ngayon ko lang naisip na
 ika’y tapatin kung kailan maligaya ka na pala? Bakit ko sina--
yang ang mga pagkakataong noon sana’y mag-isa nang
pumipintig ang ating mga puso? Bakit ko inaksaya
ang mga panahong sana’y  naglalaro tayo sa
ilalim ng buwan sa saliw ng malamig na
simoy ng hangin? Totoo, napakahaba
talaga ng nagdaan. At sa bawat
 pagbalik-tanaw ko sa mga
pangyayari’y hindi ma-
wala sa akin
ang pang-
hihi-
nayang.
Sa aking pani-
ngi’y tuluyan nang
naglaho ang tingkad ng
rosas na sana’y papantay sa
mapula mong labi. Natunaw na rin
 ang mga tsokolateng sana’y aayon sa ma-
tamis mong ngiti. At iyon nga, wala na akong
magawa kundi sisihin ang sarili. Napakahina ko. Napa-
kahina. Ubos na ang oras at wala na akong ibang magagawa
kundi pagsisihan ang mga nasayang na sandali. Heto na nga’t pa-
patak na ang huling butil, paubos na ang oras. Wala na akong magaga-
wa. Mahina kasi ako, walang lakas ng loob. Kinakapa pa ang sitwasyon. Torpe.


Huwag nang hintayin pa ang oras kung kailan masasabi mo 
sariling "napakatanga ko." Mahaba ang oras at sa mga 
sandaling iyo'y malaya mong magagawa ang nais. 

Linggo, Setyembre 30, 2012

Sa Aking Landasin

        
          Bata pa lang ay namulat na ako sa daigdig ng siyudad. Tubong probinsiya ako subalit sa tuwing ako'y luluwas, hindi na nawawala sa aking balintataw ang pagpansin sa kakaibang kilos nito. Nararamdaman ko parati ang bilis ng oras - ang dagliang sandali sa pag-itan ng aking sarili at ng mapaglarong mundo. Dama ko ang pag-aasam na nawa'y makakamit pa ng karagdagang oras nang sa gayo'y matapos ko ang mga nakabinbing gawain. Hindi ito biro sapagkat sa isang katulad kong nagmula pang probinsiya at nangahas harapin ang aking tadhana sa siyudad, kakailanganin ko pang higitan ang pag-ayon ng sarili sa galaw ng Maynila. Mahirap ito ngunit kailangan. Kailangan sapagkat kung ipagpapatuloy ang dating gawi'y wala akong patutunguhan. 

Maynila, isang lungsod, isang siyudad.


          Kasabay din ng aking pagpansin sa nakaririnding takbo ng oras ay ang kabaligtarang pagpuna sa mabagal na pag-usad ng sitwasyon. Patuloy nga ang pag-ikot ng pulang kamay ng orasan subalit ang pag-unlad ng mga katatayuan sa lipunan ay tila ba pinababanguhan ng aromang kay bagal kumilos. Talamak pa rin ang mga napag-iwanang bagay na tuluyan nang nilimot ng lumisang panahon. Ngayo'y masasaksihan pa rin ang mga bakas na walang awang iniwan ng pangako ng pagbabago. Sa bilis ng oras, kabalintunaan na itong maituturing. Nakapagtataka.

          Sa patuloy kong pakikisalamuha sa bagong lipunang aking kinikilusan, patong-patong na tanong at pagtataka ang walang katapusang pumapasok sa aking isipan. Madalas din naman ako sa siyudad kahit pa noong sa probinsiya pa ako nag-aaral kaya siguro nangyayari ito sa akin. Dito'y lumulutang palagi sa aking ulirat ang mga bagay na nakapagtatakang iyon pa rin ang aking kinatutunghayan sa paglipas ng ilang taon. Hindi ko maiwasang itanong iyon sa sarili sapagkat sa bayang aking tinubua'y dama ko ang pagbabago, dama ko ang pag-unlad. Dahil rito'y ninais kong ilahad ang aking mga napapansin sa tulong ng aking malikot na isip.

Ang Aking Landasin Mula sa Aking PANINGIN

          Sa paglipas ng panaho'y marami akong nakita. Subalit, ilan lang sa mga nakita kong ito ang tila binihisan ng panahon: maayos na at presentable. Gayunpaman, tumatatak pa rin sa aking gunita ang noo'y palagi kong natutunghayang basura. Kalat dito, kalat doon. Wala pa ring pagbabago sa sistemang sinusunod ng mga tao, tila ba hindi sila nadadala sa banta ng mga susunod pang unos. 

Hanggang kailan ako maghihikahos?

         Higit namang sumagi sa aking paningin ang mga pamilyang maituturing na marahil na pagkagalak ang makapulot ng tira-tirang pagkain sa bundok ng basura. Kitang-kita ko ang mga malalamlam nilang mata at kaawa-awang kasuotang pilit nilang pinagtitiyagaan maitago lamang ang kanilang buto't balat na katawan. Sa aking mga mata'y naglalaro rin ang kanilang mga labi, mga labing pilit nilang binubuksan makapanghingi lamang ng limos, mga labing tila hindi na kayang umusal ng salita dahil sa matinding gutom at panunuyot ng lalamunan. At dito nga'y naging saksi ang aking mga mata sa kanilang kaawa-awang kalagayan. Bata man o matanda'y walang pinipili ang matinding sakit ng lipunan - kahirapan.

          Sa mabilis na pag-usad ng oras sa siyudad, isa sila sa mga nabiktima ng mabagal na pag-unlad. Iba na ang oras na kanilang ginagalawan subalit heto't nananatili pa rin sila sa iisang sitwasyon.

Ang AMOY ng Siyudad Noon at Ngayon

Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?

          Sa pagpapatuloy ay hindi lang mata ang naging bintana ng aking isip. Malaki rin ang naitulong ng aking pang-amoy. Dahil dito'y wala ng makapipigil pa sa paglalahad ng katotohanan. Totoong umaalingasaw ng kabahuan sa siyudad dulot ng mga basurang kung saan-saan lang ipinagtatapon ng mga tao, sabihin mang noon o ngayon. Aminin man o hindi, marami mang tumanggi o maniwala, isa itong katotohanang  kailanman ay hindi natin maaaring takasan. Ilang kalsada at eskinita na rin ang aking nabaybay at sa tuwing dumadaan ako sa mga ito'y kailanma'y hindi ko mapigilan ang paglanghap ng mga amoy na tila makapagpapasakit ng bawat kumakalam na sikmura. Masakit isipin na hanggang ngayo'y wala pa ring pagbabago, ni hindi ata naiisip ang kanilang mga naranasang sakit at paghihikahos noong mga nakalipas na taon. Masakit isipin sapagkat wala pa ring nakikitang pagkilos ni sa sarili man lamang. 

          Oo, magkaiba na ng oras subalit heto, nananatili pa rin ang siyudad sa iisang sitwasyon. 

Buhat sa Aking mga NARIRINIG

Sandali! Wala akong kasalanan!!!


           Sa pagluwas ko'y hindi na huni ng mga ibon sa umaga ang aking naririnig, hindi na rin tilaok ng tandang ang sa aki'y gumigising. Sa halip, nakabibinging sigawan sa kanto at nakabubulabog na tunog ng mga sasakyan ang sa aki'y bubungad. Oo, hindi na ako magtataka. Alam kong nasa siyudad ako. Subalit,  nakalulungkot lang marinig ang patuloy na ganitong himig: bangayan sa kanto ng mga naglulutungang mura, hagisan ng mga noo'y hindi naman nagsisiliparang kawali, payabangan ng busina sa kalye, palakasan ng ngawa ng mga batang kung hindi man inaabuso ng kanilang mapang-aping magulang ay namimilipit na sa gutom. Salisaliwa na ang mga tunog ng siyudad. Hindi ito naglalaho kahit anumang gawin, ni kailanma'y hindi rin ito humihina.

          Mabilis ang oras sa siyudad ngunit hindi nito nagagawang iusad ang mga nililikha nitong ingay. Noon at ngayon, iisa ang ingay nito. Ang masama, higit na tumitindi ang nilalabas nitong tunog.

DAMA ko ang Init

Hanggang saan ako patutungo?

          Hindi na rin bago sa aking pandama ang nakalulutong init ng siyudad, sabayan pa ng trapik. Sa bawat pagsakay ng bus, sa bawat pagbaba ng jeep, sa bawat pag-usad ng tren, sinumang nagmamadaling katawan ay tatagatakan ng pawis. Kaunting kilos, isang patak, kaunting galaw, isang tulo. Oo, hindi na ito bago gayong nasa siyudad na nga ako. At ngayong ngang narito na ako, magiging bahagi na ng aking buhay ang tiisin ang init dulot ng lumalalang trapik sa bawat kalsada. Kahit anong gawing pagpapalawak ng kalye, kahit anong pagkilos ang ginagawa ng mga kinauukulan, walang nangyayaring pagbabago. Ang nakaaalarama, lalo pang lumalala ang problema sa lansangan. 

          Mabilis ang oras sa siyudad subalit mabagal ang pag-usad ng bawat sasakyan sa lansangan. Iba na ang oras ngunit nananatili pa rin itong ganito sa iisang sitwasyon.

Sakto sa PANLASA?

Kay sarap mamuhay sa bukid, sa probinsiya.


           Masarap daw manirahan sa siyudad. Iyon ang sinasabi ng ilan kong kakilalang tila nabahiran na ata ng kulay ng Maynila. Subalit, sa lahat ng aking nakikita, naaamoy, naririnig, at nadarama, sakto pa rin sa aking panlasa ang mamuhay nang tahimik at matiwasay sa probinsiya na kung saan lahat ay nakangiti, lahat ay naaayon, lahat ay magaan. Simple ang buhay sa amin. Sa simpleng pamumuhay na ito'y nagagawa naming umusad. 

          Mabilis ang oras sa siyudad subalit kabaligtaran nito ang nangyayari sa mababangis nitong sulok. 



Sanggunian:

Linggo, Setyembre 23, 2012

Yung Totoo, Pilipinas... Lumevel-Up ka na ba?



LEVEL-UP
  • pagpapataas o pagpapa-unlad sa nasusukat na antas ng buhay

          Muli, may nabingwit na naman ang dila ni Juan mula sa pusod ng dagat ng mga wikang banyaga. Ikaw, kung sinumang nagbabasa nito, huwag ka nang magtaka. Bihasa na ‘yan sa ganyang gawain. At oo nga, sumasang-ayon ako. Gumagaling na nga siya eh. Pansin mo rin ba? Hindi ba’t lumelevel-up na rin siya?



          Tulad ng mga nauna na niyang nahuli, naitanong ko rin sa aking sarili, papaano nga ba iyon nasagi sa kanyang mahiwagang dila? Susko!! Sa dami ay ubod na nga rin ang aking pagtataka kung papaano pa siya nakabibingwit. Marahil ay isang malaking pasasalamat na rin ang maaaring ialay sa mga "nagpasimuno" nito. Salamat talaga sa mga nagsisulputang computer games gaya ng DOTA, Tetris Battle, Farmville at iba pa. Kung wala ang mga ito, tiyak, wala ring mahuhuli si Juan! Sa madaling sabi, walang



EL - I - VI - I - EL gitling YU - PI

          LEVEL-UP!! Isa na ito marahil sa mga salitang umiikot sa bokabularyo ng mga kalahi ni Juan. At iyon nga'y hindi nakapagtataka sapagkat sa isang katulad kong kadugo na'y kakulay pa niya, nagagamit ko rin ito. Subalit, hindi naman siguro ako nagsosolo sa paggamit. Marahil ay may kasamahan pa akong tila hindi bababa ang bilang sa hibla ng aking buhok. Kaya naman'y hindi na nakapagtataka kung muli itong mapayayaman.

          Gayunpaman, papaano nga ba ito ginagamit?
  • Sinasabi kung mula public school ay lumipat ka sa isang private school, lumevel-up ka na.


  • Gayundin, kapag may bago kang sapatos.

  • Maging si Mayor Lim nga eh, masasabing nag-level-up na. Bakit?? Kasi may Facebook Fan Page na siya. (at ipinagmamalaki niya 'yon)



  • Kaya naman sa pag-level-up ay nakisali na rin siya.




         Sabi nga ni Joselito delos Reyes, "lumevel-up" ka kung umasenso ka. At iyon nga'y napatunayan sa ilang nabanggit na halimbawa sa itaas. Bakit, nabitin ka ba? Ya, konting scroll down lang, mayroon pa!

  • Umasenso si Manny Villar sapagkat mula sa paglalangoy sa dagat ng basura, hayun, senador na pala, naglalangoy na rin sa dagat ng pera . So, anong say mo? 

  • Ikalawa, Henry Sy. Noo'y winawalang bahala lang ng mga kakumpitensiya sa negosyo. Ngayon, pinakamayaman ng negosyante sa Pilipinas. Bilyonaryo pa! O, saan ka ngayon??

          Kaya naman si Mayor Lim....


OPO!! MAG-AARAL NA PO.

          Subalit, hindi lang 'daw' sa pag-asenso maaari itong ikabit. Sa ilang sitwasyon kagaya ng nasa ibaba, "lumelevel-up" ka pa rin naman kaso, wala kang pag-asenso sa iyong kinalalagyan sa buhay. 


         Hindi ba!? Maging si Ninoy napasama sa limandaang piso ang kanyang maybahay na si Cory. Naglevel-up na siya!

Halina't SERYOSOHIN NATIN 'TO..  

Sa huli, maitatanong mo: Yung Totoo, Pilipinas... Lumevel-Up ka na ba?

          Maayos na naisakatuparan ng nagpahayag na si Joselito delos Reyes ang kanyang nais na maitampok ang salitang level-up bilang salita ng taon. Napawasto pa nga ang timing sapagkat sinong magaakala na kasabay ng malikhain niyang pagpepresent ay sumasabay rin pala sa pag-level-up niya ang ekonomiya ng Pilipinas.

           Sa mga salitang naitampok katulad ng level-up, hindi maikakaila ang mga pagbabagong mapapansin hindi lamang sa lipunan, kundi, pati na rin sa pauti-uting pagbaluktot ng ating mga dila. Gayunpaman, nagsilbi ang salitang ito bilang patunay na buhay ang ating wika, patuloy na nag-iiba, mas yumayaman, at higit na tumatangi. Sa kabilang banda, maituturing ngang lumelevel-up na ang Pilipinas, hindi lamang sa pagtaas ng antas ng ekonomiya kundi sa lalong pag-unlad ng ating wika. Kaya naman nakatutuwang isipin na may programang tumutulong dito. Sa huli, akin ngang masasabi, lumelevel-up na ang Pilipinas! Mabuhay ka! Ikaw na!
 

          






          

Huwebes, Setyembre 20, 2012

Bakit Naging Higanteng Papel ang Mag-Asawang Juan at Maria?



Naranasan ko rin namang makipaghabulan sa mga higante.  Hindi ko nga malimutan ang mga panahong pagkagaling kong paaralan ay kakaripas kaagad ako ng takbo papuntang patio upang makipaglaro kasama ang aking mga kaibigang kung hindi man yapak ay suot-suot pa ang kanilang napaglumaang puting kamiseta. Wala na akong pakialam kung pagalitan ako ng aking inay pag-uwi ko sa bahay. Ang sa akin lamang, ako ay maglalaro sa lilim ng malamig na simoy ng hanging binibigay ng Banahaw. Tatakbo ako at gugulong kasama ang masasayang mukhang kapupunahan kaagad ng pagkagalak o pagkahapo. Kung ako man ay madapa o matisod, ako'y agad babangon. Makikipaghabulan akong muli at tatakbo ako nang tatakbo. Hindi ako titigil hanggang sa tuluyang tumunog ang kampana ng simbahang maghuhudyat ng pagsisimula ng orasyon.

"Higanteng putol, nanghahabol!"
Pagpatak ng ikawalo ng gabi'y isasama naman ako ng aking mga magulang sa pamamasyal. Noon ay naaalala ko pa na sa tuwing kami ay lalabas, mahigpit pa nila akong hinahawakan sa magkabilang kamay. Bihis na bihis pa ako noon. Nakajacket, nakabonet, nakapajama, nakasapatos. Malamig kasi ang simoy ng hangin sa dakong aming pinaroroonan. At iyon nga'y aking nararamdaman kahit balot na balot na ako. Subalit ang lahat ng iyo'y napapawi rin agad sa oras na natutunghayan ko na ang toro. Punong-puno kasi ito ng magagarbong palamuti na sa tuwing sisindihan ay lumiliwanag. Dahil dito'y ako ay natitigilan parati, namamangha, tila ba nararamdaman kong panandaliang lumilipad ang aking murang isip sa kabilanng daigdig habang nakakandong sa balikat ni itay.

Sa ganitong pagkakataon ko lamang din napapansin na sa isang sulok pala ng plaza'y maaaninagan ang mga higanteng kaninang hapon lamang ay aming pinagpipiyestahan. Subalit, naaagaw parati ng bagong papalabas na karosang naglulunan ng imahen ni Maria at Jesus ang aking atensiyon. Tumatatak tuloy sa aking isipan ang mga pusong nakaumbok sa kanilang mga dibdib - mga pusong wagas na umiibig sa sanlibutang ating pinamumuhayan.

Doon ko lamang din naitatanong sa aking ina kung ano nga ba ang nangyayari. Kapistahan pala ng Kamahal-mahalang Puso ni Jesus at Katamis-tamisang Puso ni Maria. At iyon, sa ganoong paraan pala namin iyon ipinagdiriwang.

Karaniwang katutunghayan tuwing sasapit ang Corazon de Jesus

Mahilig akong maghalungkat ng mga lumang kagamitan sa bahay, lalo na kung nakikita ko ang  lumang baul ni lola sa ilalim ng kanyang lumalagitik nang papag. Doo'y parating tumatambad sa aking balintataw ang mga lumang litrato nila ni lolo, tiyo, at ina. Nakikita ko rin ang mga mukha ng mga hindi ko kilalalng taong marahil ay mga kamag-anak naming kung hindi man kinulubutan na ng balat ay tinutubuan na  ng puting buhok. At ngayong ako ay nasa kolehiyo na at namumuhay nang malayo sa nakagisnang bayan, mas tumatangi sa aking isipan ang pangungulila. 

Higit akong napapaisip sa tuwing nakakakita ako sa fecebook ng mga lumang litratong nagpapaalala sa aking nilisang bayan. Sa ganitong pagkakataon ko naaalala si lola, ang kanyang mga pangangaral, ang kanyang mga kuwento. Nagugunita ko pa nga nang isalaysay niya sa akin ang kuwento ng mga higante, kung bakit natatanawan na lang sila basta sa lansangan tuwing may pagdiriwang, kung bakit nagkakagulo ang mga bata sa kanilang pagdating, at kung bakit bigla na lamang silang naging higanteng papel sa isang iglap. Subalit sa pagtagal ay unti-unti na rin itong nabura sa aking isip. Gayunpaman, tinangka ko itong buoin sa saliw ng aking mapaglarong haraya, sa saliw ng aking mga nalalaman sa nakagisnan kong kuwento ng aming bayan.


Taon-taon kung bumaba ang mag-asawang higanteng Juan at Maria mula sa kanilang tahanang yungib sa bundok ng Banahaw. Ginagawa nila ito upang makiisa sa pagdiriwang ng masaganag aning tinatamasa ng mga Lukbanin. May dala-dala pa silang naglalakihang prutas na sa pakiwari ng ilan ay walang hirap nilang pinipitas sa nagtatayugang mga puno. 

Pagsapit nila sa baya'y nagbubulasang parang kitikiti ang mga tao. Tuwang-tuwa sila at malugod pang iniimbitahan ang naglalakihang kaibigan upang makiumpok sa kanilang munting hapag-kainan. Sa saliw ng mga katutubong musika ay nakikiawit din ang mag-asawa. Tinataasan pa nila ang boses kung kinakailangan. At matapos iyo'y papalakpakan sila ng nakararami.

Pagdating ng hapon ay sa malawak na parang naman sila matatagpuan. Kalaro nila rito ang mga munting paslit. Naghahabulan sila doon, nagpapalipad ng saranggola, nagtataguan. Nagpiprisinta pa nga ang mag-asawa na sila ang maging taya. Sinasangayunan naman ito ng mga bata. Kaya naman sa ilang sandali ay matutunghayan na lamang ang mga batang matuling tumatakbo - tila ba aayaw talagang paaabot sa nagprisintang kaibigan. Ngunit, ang pakay ng mag-asawa ay natatapos din pagsapit ng dilim. Nagpapaalam sila sa mga taga-bayan at nangangakong babalik muli sa susunod na pista.

Sa paglipas ng mga tao'y patuloy pa ring nakikisaya ang mag-asawa hanggang isang araw, bago ang kanilang pag-uwi, ay may natanawan silang paparating na hindi mawaring nilalang. Kulay puti ang balat, matatangos ang ilong, matatangkad. Nakita nila ang mga itong may hawak-hawak na tatlong rebultong hindi maintindihan kung ano. Sa paglapit ay higit pa nilang naaninagan ang iba pa nitong dala: kayamanan. 

Nagulat ang lahat sa pagbuka ng bibig ng mapuputi. Nakakapagtagalog pala sila. Doo'y pinaliwanag nila ang kanilang pakay gayun din ang tatlong rebultong kanilang dala-dala. Sa una'y pinakilala muna nila ang Kristiyanismo, ang mga aral na napapaloob dito at ang sampung utos ng Diyos. Namangha ang mga katutubo  at ang mga higante. 

Sa ikalawa nama'y itinampok nila ang mga rebultong kanilang dala. Iyon daw pala si Maria at Jesus. Pinakilala rin nila ang isang santo, si San Luis Obispo, na magsisilbing patron ng kanilang bayan. Muling namangha ang mga tagapakinig. Agad namang inihayag ng mga mapuputi na sa kasunod na pagpapalit na ng buwan ang kapistahan ng puso ni Jesus at Maria. Agad-aga'y nagbulalasan ang mga tao kasama ang mga higante. Hindi magkarinigan sa matinding hiyawan. 

Noon din, binalak ng mag-asawang higante ang muling pagbaba mula sa bundok sa susunod na pagpapalit ng buwan nang sa gayo'y makisaya. At iyon nga ay kanilang sinunod. Muling nagdiwang ang bayan at ngayo'y kasama na ang bago nilang itinuturing na kaibigan. Natunghayan din nila ang isinagawang prusisyon ng mga mapuputi kasabay ang kanilang pagpupuri sa bagong nakilalang rebulto. Sa paglipas ng panaho'y patuloy pa rin nila itong isinasabuhay.

Subalit, nagbago ang lahat nang sa pista ring iyon makalipas ang ilang taon ay may dumating na toro. Napapalamutian ito ng mga mamahaling alahas. Sinabi pa niya na kung siya ay kanilang tatangkilikin at mamahalin, ibibigay niyang lahat ang mga kayamanang nasasakanya. Dahil sa pagkamangha ng mga tao, kaagad nilang itinuring na kababayan ang napadpad na toro. Pinakain sa kanilang mga bahay, pinagluto ng masasarap na pagkain, pinagtimpla ng mainit ba kape. Nagsayawan sila sa saliw ng  tambol at dito'y nasilayan ang ngiti sa mukha ng bawat isa. 

Mabilis ang mga pangyayari at kumagat nang muli ang gabi. Nagsabi ang mag-asawang higante na sila'y aalis na subalit ni isa'y walang pumansin. Naglaro na lang sa mata nina Juan at Maria ang mga taong walang humpay na humihimas sa likod ng namumulang toro. Nalungkot sila sa nangyari at tahimik na nilisan ang nagsasayang bayan.

Marahil ay napagod nang matindi ang mga taga-bayan kaya tanghali na nang sila'y magising kinabukasan. Laking pagtataka na lang nila nang makitang nasira ang maganda nilang paligid, nawala ang mga tanim na kanilang pinunla at naubos ang ilang mga puno. Tumambad sa kanilang mga mata ang noo'y lumalamong toro, kagat-kagat sa maamos na bibig ang kanilang mga pananim. Nagalit ang mga tao sa toro at hinabol ang nagpipilit na tumakbong taksil.

Sinubukang tanawin mula sa Banahaw nina Juan at Maria ang noo'y nagkakagulo na palang bayan. Sa pagtanaw ay inakala nilang nakikipaglaro ang tao sa toro. Mula rito'y nabalutan sila ng kakaibang lungkot. "Tuluyan na nila tayong nilimot," bulong ni Maria sa malambot na tainga ni Juan. 

Nang hapon ding iyon sa bayan ay nagapi ang mapanlinlang na toro. Nagdiwang ang lahat.

Lumipas ang isang taon at naramdaman nang muli ang papalapit na pista. Sa darating na pagdiriwang ay napagpasyahan ng mga tao na ibigay ang parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagsunog sa torong sumira ng kanilang kapaligiran.

At iyon nga, sumapit na ang pista subalit nagtaka ang mga taga-bayan kung bakit walang mag-asawang Juan at Mariang bumababa sa madulaing bundok ng Banahaw. Nabalutan tuloy ng lungkot ang buong kabayanan. 

Sa puntong ito pa lang nila napagtanto na walang maidudulot na mabuti ang pagkasilaw sa kayamanan. "Pinagpalit natin ang ating kaibigang higante noong panahong dumating ang mapanlinlang na torong ito..." sambit ng pinuno ng bayan. "Ito'y higit naming ikinalulungkot!" bitaw naman ng dalawa bago tumakbo papalayo sa munting kumpulan.

Ito na marahil ang kauna-unang malungkot na pista ng bayan. Subalit ang lahat ay nagkamali nang may lumitaw na dalawang higanteng papel sa bukana ng Banahaw. Nakapamayawang ngunit pansin ang maliit nitong paa. Walang humpay ay naging hiyawan ng mga tao. Narinig ang malalakas na pito at masasayang tunog ng tambol. Nabuhayan muli ang noo'y malungkot na nayon. 

Muli'y nagkaroon ng habulan kahit alam na ng mga taong hindi totoo ang mga higanteng kanilang kinatutunghayan. Sila'y nagsisayawan at nagsiawitan. "Sa oras na magbalik ang ating mga kaibigang Juan at Maria, masasabi nilang hindi natin sila nilimutan," bulong ng isa sa sarili habang nakikisalamuha sa nagsasayang lipunan.

Nang gabi ring iyon ay itinabi muna sa isang sulok ang higanteng papel upang sa gayo'y hindi madamay sa gagawing pagbitay sa toro. At nang sumapit ang ikawalo ng gabi ay sinilaban ang nagpupumiglas na preso. Lumiyab ang kanyang namumulang katawan at maliwanag siyang nakita ng mga tao. 

Agad-agad ay nakitang binabagtas ng karosa ni Jesus at Maria ang ngayo'y nagsasayang lansangan. 

Wakas



Sanggunian:


Miyerkules, Setyembre 12, 2012

Duyan





Matayog kong nilipad ang bughaw na langit.
Kasabay ng mga nagpapagaspasang lawi'y
Natanaw ko sa ibaba ang mga luntiang puno -
Mga punong tila ba sumasayaw sa saliw ng umiihip na amihan.
Ngunit, sa patuloy kong paglayo'y naramdaman ko ang paghigpit ng pisi.
Bumalik ako't binagtas ang kabilang panig at sinabing:
"Magpahinga muna't magparaos."

Muli'y matayog kong nilipad  ang bughaw na langit.
Sinong mag-aakalang sa muli kong pagkumpas ng pakpak ay nagagawa ko pang humuni?
Ano pa nga ba't ito na lang siguro ang magpapaligaya sa akin.
Subalit sa aking paglayo'y tila hindi na pisi ang aking nakakapa kundi lubid.
Unti-unti kong hininaan ang tinig sabay usal:
"Magpahinga muna't magparaos."

Magdadapit-hapon na nang ako'y muling naglaro sa himpapawid.
Sa pagnanais kong alamin kung ano ang nasa dulo ng langit,
Lumipad ako pataas, nakatutok sa mga papalabas nang buwan at bituin.
Ngunit ang nais ay hindi nangyari; ako'y nahilo, natanga, naduwal.
Bumagsak ako sa lupa habang binubulong sa sarili: "Magpahinga muna't magparaos."

Naramdaman ko ang sakit ng pagkahulog:
Pagkabali ng buto, pagkahilo,
Gayundin ang hapdi ng paang
Noon pala'y natatanikalaan na ng kadena.

Humina ang aking naghihingalong pagsamo.
Wala nang pumuslit sa aking tuyo't tigang na lalamunan.
Hindi na ako makahinga.

Hindi na ako lumaban,
Gayong sa huli, ano pa nga ba ang aking mapapala?

Matitigilan at mananahimik lang din naman ako.

Lunes, Agosto 27, 2012

Bababa ba?? Bababa.


          Nang bumukas ang pinto ng elevator, binati ng isang Pilipinong bellboy ang Amerikanong lululan, "Going down, sir?" "Yes, to the ground floor," tugon ng Amerikano. "Right away, sir," magalang niyang sagot habang pinipindot ang button na magdadala sa kanila pababa. Ilang sandali, may isang Pilipinong dumating, tila ba hinahabol ang noo'y papasara nang pinto ng elevator. "Bababa ba?" tanong ng bagong dating. "Bababa," maiksing sagot ng bellboy. Dalian siyang lumingon sa Amerikano at sinabing, "He's also going down, sir!" Sa pagkalito, lumabas ng elevator ang Amerikano, wari bang nagtatanong sa sarili kung papaano nagkakaunawaan ang dalawang taong gumagamit lamang ng iisang pantig. 


          Muli, maligayang pagdating sa Pilipinas, ang lupain ng mga Pilipinong marahil ay maituturing ng talento ang paglalaro ng salita! Kung lilimiin, sino pa nga ba ang makagagawa at makauunawa ng ganitong uri ng pag-uusap? Sino pa nga ba kundi tayo lang mga Pilipino!! At oo, gayong sa pagpasok ng modernong panahon, naging bahagi na siguro ng kakaibang hugis ng ating kapuluuan ang natatangi nating paggamit sa wika. 

          Sa kasaysayan ng Pilipinas, marahil ay nagugunita ko pa nang tama na nagsimula tayo sa alibata, sumunod ang paghiram sa ilang salitang Chinese, Hindi, at Malay upang pasarapin ang ating hapagkainan at binyagan ang ilang kasangkapang ginagamit natin sa tahanan. Sa huli, ang paglagom natin sa wika ng mga Kastila at Amerikano ang nagbunsod upang mabuo ang konkretong alpabetong ginagamait natin ngayon. 

          At iyon nga, maituturing na mahalaga ang daan-daang taong pamamalagi ng mga dayuhan sa ating bansa. Ang mga impluwensyang tumatak sa ating noo'y murang kaisipan ang nagbigay daan upang umusbong ang iba't ibang salita at pariralang higit na nagpaunlad sa ating nakagisnang kultura, gayundin sa pagpapaunlad ng sistema ng komunikasyon sa Pilipinas

Nagsisilbing kalipunan ng pagkatuto at pagkakaintindinhan ang wika, paano pa kaya kung higit itong pinalamutian ng mga Pilipino?

          
          Sa pagsisimula, ninais kong tingnan ang nga pangkaraniwang bagay na tumatakbo sa pangaraw-araw na buhay ng mga Pilipino, kung papaano nagiging kakaiba ang paggamit natin sa wika at kung papaano nito naapektuhan ang ating pakikipagkomunikasyon. Ang ilan sa mga sumusunod, gayunpaman, ay maaaring katawa-tawa ngunit ito na marahil ang namamayaning gawi ng mamamayan ngayon.

          Maituturing na wari ang Wikang Filipino bilang produkto ng iba't ibang kultura at ideolohiya, isang produktong natatangi at higit na kakaiba (sa ilang kaso).

        Walang dapat alalahanin sapagkat hindi naman gawi ng mga Pilipino sa lahat ng oras ang pakikipagusap nang may iisang pantig. Gayunpaman, hindi lamang nag-iisa ang konsepto ng "Bababa ba? Bababa." sa nasasakop ng wika. Ilan pa sa mga halimbawa ay ang sumusunod na karaniwang naoobserbahan:
  • Lalala (to worsen as like to being sick)
  •    Hal. Huwag mong pagurin ang iyong katawan. May sakit ka pa. Lalong lalala yan!
  • Bobobo (to become more stupid)
  •   Hal. Utang na loob! Bobobo na ako! Wala na akong ibang ginawa kundi ang magpakababad sa computer.
  • Nganganga (open someone's mouth)
  •    Hal. Hello, baby!! Nganganga na 'yan! Tingin ka rito kay mommy, heto na ang iyong pagkain.
          
          Subalit, hindi lang ito ang nasasaklawan ng higit na nagiiba at natatanging Wikang Filipino. Lumilitaw sa ilang banda ang iba pang mas mapaglarong gawi ng mga Pilipino sa paggamit ng wika, ng salita. 

          Sa isang tipikal na paguusap, pinangungunahan ng salitang Ingles na "make" ang ilang Pilipinong pandiwa nang sa gayon "daw" ay maging komportable at maganda sa mga makakarinig. The dining table is a mess. Please make punas. Ikalawa, para naman daw "maiba," ginagamit ang mga naimbentong paguulit ng salita upang mapunan ang pagkamental-block ng isang tao sa isang sitwasyon. Maaaring sabihin ng isang guro: Class, how many times do I have to tell you not to chika-chika there while I’m discussing in front! Ikatlo, may nakaaalaramng pagbabago sa pagpili ng tamang salita. Ang paggamit ng panghalip ay hindi na kasama sa ating syntax. “Where na you? Here na me.” Ikaapat, milyong-milyon ang natutuksong gamitin ang lumalaganap na gay lingo. "Mga mars, vavuski!"

          Mula sa mga ito'y makikita ang mga pagbabagong gumuguhit sa ating wika, mga linyang nagpapaunlad at nagpapatanyag sa Wikang Filipino. Mula sa simpleng Bababa ba? Bababa, ipinakita ng mga Pilipino ang kaibahan ng ating wika sa mundo. Umabot man sa pinakamataas na antas ng kaconyohan ang paraan ng pakikipagusap, magbibigay naman ito ng ambag sa pagpapatanyag at higit na pagpapaunlad ng ating wika. 

         Ang Filipino ay isang wikang pinagpala sapagkat may iba't iba itong pinanghahawakan. Isa pa, nananatili itong buhay. Kaya sa muling pagsampa sa elevator, iyon lang ang tiyak na makapagpapakilala sa ating wika sapagkat dito lang ito tanging maririnig: Bababa ba? Bababa.