Lunes, Agosto 27, 2012

Bababa ba?? Bababa.


          Nang bumukas ang pinto ng elevator, binati ng isang Pilipinong bellboy ang Amerikanong lululan, "Going down, sir?" "Yes, to the ground floor," tugon ng Amerikano. "Right away, sir," magalang niyang sagot habang pinipindot ang button na magdadala sa kanila pababa. Ilang sandali, may isang Pilipinong dumating, tila ba hinahabol ang noo'y papasara nang pinto ng elevator. "Bababa ba?" tanong ng bagong dating. "Bababa," maiksing sagot ng bellboy. Dalian siyang lumingon sa Amerikano at sinabing, "He's also going down, sir!" Sa pagkalito, lumabas ng elevator ang Amerikano, wari bang nagtatanong sa sarili kung papaano nagkakaunawaan ang dalawang taong gumagamit lamang ng iisang pantig. 


          Muli, maligayang pagdating sa Pilipinas, ang lupain ng mga Pilipinong marahil ay maituturing ng talento ang paglalaro ng salita! Kung lilimiin, sino pa nga ba ang makagagawa at makauunawa ng ganitong uri ng pag-uusap? Sino pa nga ba kundi tayo lang mga Pilipino!! At oo, gayong sa pagpasok ng modernong panahon, naging bahagi na siguro ng kakaibang hugis ng ating kapuluuan ang natatangi nating paggamit sa wika. 

          Sa kasaysayan ng Pilipinas, marahil ay nagugunita ko pa nang tama na nagsimula tayo sa alibata, sumunod ang paghiram sa ilang salitang Chinese, Hindi, at Malay upang pasarapin ang ating hapagkainan at binyagan ang ilang kasangkapang ginagamit natin sa tahanan. Sa huli, ang paglagom natin sa wika ng mga Kastila at Amerikano ang nagbunsod upang mabuo ang konkretong alpabetong ginagamait natin ngayon. 

          At iyon nga, maituturing na mahalaga ang daan-daang taong pamamalagi ng mga dayuhan sa ating bansa. Ang mga impluwensyang tumatak sa ating noo'y murang kaisipan ang nagbigay daan upang umusbong ang iba't ibang salita at pariralang higit na nagpaunlad sa ating nakagisnang kultura, gayundin sa pagpapaunlad ng sistema ng komunikasyon sa Pilipinas

Nagsisilbing kalipunan ng pagkatuto at pagkakaintindinhan ang wika, paano pa kaya kung higit itong pinalamutian ng mga Pilipino?

          
          Sa pagsisimula, ninais kong tingnan ang nga pangkaraniwang bagay na tumatakbo sa pangaraw-araw na buhay ng mga Pilipino, kung papaano nagiging kakaiba ang paggamit natin sa wika at kung papaano nito naapektuhan ang ating pakikipagkomunikasyon. Ang ilan sa mga sumusunod, gayunpaman, ay maaaring katawa-tawa ngunit ito na marahil ang namamayaning gawi ng mamamayan ngayon.

          Maituturing na wari ang Wikang Filipino bilang produkto ng iba't ibang kultura at ideolohiya, isang produktong natatangi at higit na kakaiba (sa ilang kaso).

        Walang dapat alalahanin sapagkat hindi naman gawi ng mga Pilipino sa lahat ng oras ang pakikipagusap nang may iisang pantig. Gayunpaman, hindi lamang nag-iisa ang konsepto ng "Bababa ba? Bababa." sa nasasakop ng wika. Ilan pa sa mga halimbawa ay ang sumusunod na karaniwang naoobserbahan:
  • Lalala (to worsen as like to being sick)
  •    Hal. Huwag mong pagurin ang iyong katawan. May sakit ka pa. Lalong lalala yan!
  • Bobobo (to become more stupid)
  •   Hal. Utang na loob! Bobobo na ako! Wala na akong ibang ginawa kundi ang magpakababad sa computer.
  • Nganganga (open someone's mouth)
  •    Hal. Hello, baby!! Nganganga na 'yan! Tingin ka rito kay mommy, heto na ang iyong pagkain.
          
          Subalit, hindi lang ito ang nasasaklawan ng higit na nagiiba at natatanging Wikang Filipino. Lumilitaw sa ilang banda ang iba pang mas mapaglarong gawi ng mga Pilipino sa paggamit ng wika, ng salita. 

          Sa isang tipikal na paguusap, pinangungunahan ng salitang Ingles na "make" ang ilang Pilipinong pandiwa nang sa gayon "daw" ay maging komportable at maganda sa mga makakarinig. The dining table is a mess. Please make punas. Ikalawa, para naman daw "maiba," ginagamit ang mga naimbentong paguulit ng salita upang mapunan ang pagkamental-block ng isang tao sa isang sitwasyon. Maaaring sabihin ng isang guro: Class, how many times do I have to tell you not to chika-chika there while I’m discussing in front! Ikatlo, may nakaaalaramng pagbabago sa pagpili ng tamang salita. Ang paggamit ng panghalip ay hindi na kasama sa ating syntax. “Where na you? Here na me.” Ikaapat, milyong-milyon ang natutuksong gamitin ang lumalaganap na gay lingo. "Mga mars, vavuski!"

          Mula sa mga ito'y makikita ang mga pagbabagong gumuguhit sa ating wika, mga linyang nagpapaunlad at nagpapatanyag sa Wikang Filipino. Mula sa simpleng Bababa ba? Bababa, ipinakita ng mga Pilipino ang kaibahan ng ating wika sa mundo. Umabot man sa pinakamataas na antas ng kaconyohan ang paraan ng pakikipagusap, magbibigay naman ito ng ambag sa pagpapatanyag at higit na pagpapaunlad ng ating wika. 

         Ang Filipino ay isang wikang pinagpala sapagkat may iba't iba itong pinanghahawakan. Isa pa, nananatili itong buhay. Kaya sa muling pagsampa sa elevator, iyon lang ang tiyak na makapagpapakilala sa ating wika sapagkat dito lang ito tanging maririnig: Bababa ba? Bababa.

        
          



Linggo, Agosto 12, 2012

Mga Mukhang Ginuhit ng Habagat


          Sumasayaw nang muli ang mga puno sa saliw ng umiihip na habagat. Matapos naman ang ilang araw na paghahanap ng pagkain ay matatanaw na ang mga langgam na pumapasok sa kani-kanilang mga lungga, waring nagbabadya ng mahaba-habang unos. Ang kabukiran nama'y nagsisimula nang tumahimik. Ang mga ibo'y nagsisibalikan na sa sanga ng mga puno, lilipad-lipad, dadapo-dapo. Sa di kalayua'y naririnig naman ang malakas na tunog ng kampana, tunog na hindi lamang nanggigising ngunit nagbababala. At nagsisimula nang matakpan ang araw, bahagyang dumidilim na rin ang langit na noo'y nababalot na ng maiitim na ulap at ang mayuming kabundukan ay marahan nang nagkukubli sa bandang likuran. Maya-maya marahan nang lumuha ang kalangitan at sa di katagala'y naririning na ang lagaslas ng patak ng ulan sa lupa.

          Pumasok nang muli ang panahon ng tag-ulan sa Pilipinas ngunit normal kung ituring nitong si Juan.  Tag-lamig ay nagsisimula subalit iba ang binabadya, ulang hindi biro ang bugso, natatakot na rin  itong si  bunso. Mga mukhang hindi na maipinta, si Inay ay naghahanda na 'pagkat natuto na sa nakaraan, muling minumulat ang mata sa realidad ng buhay.


Mukha ng Paghihikahos
Dumi at putik sa aking katawan
Ihip ng hangin at katahimikan
Bawat patak ng ulan at ang lamig
- Aegis Band
        Malupit ang naging paghagupit ng habagat sa ating kapaligiran, dahilan kung bakit natabunan ng tubig ang noon ay kalsadang akala mong kay linis ngunit may tinatago palang karumihan. Mula sa tumataas na tubig baha, lumutang sa aking ulirat ang mga mukhang pagod, balot ng putik, basang-basa, at nagmamaka-awa - waring naghihintay ng bayaning susuong sa baha, isang bayaning sasagip sa kanilang kalunos-lunos at puyog na katawan. Hindi maipinta ang kanilang mga mukhang animo'y naghihikahos mula sa hukay na ang ilalim ay maaaring kamatayan. At ang mga mukha ng batang walang kamuwang-muwang sa nangyayaring kalamidad, wari'y hindi titigil sa pagluha hanggang sa tuluyang tumila ang ulan at humupa ang baha. Nasilayan din ang mga mukhang humahagulhol, mga mukhang umaasang matatagpuan pa ang mga kaanak na kung hindi nabaon ng buhay ay nawawala. Kakapoot man kung isipin, ito marahil ang mga mukhang paunang sumalamin sa paghagupit ng habagat.
     
          Samantala, habang tinatawid ko ang ga-tuhod na baha, aking pinanlumo ang kulay ng tubig pero nasabi ko sa sarili, ito nga ang sinasabing realidad ng buhay - mga pagkakataong kailangan mo na lamang  harapin dahil kung tatakasan ay walang daraanan. Dagling naglaro sa aking isipan ang ikalawang mukhang ginuhit ng habagat. Sigalot man kung ituring, may dinadala pa rin pala itong ligaya para sa ilan.

Mukha ng Pagkagalak
Sinong di mapapasayaw sa ulan? - Rivermaya

          Kung ika'y isang bata, kay sarap maligo sa ulan habang kasama ang mga kaibigang tila nakatakas sa hawla. Sa kanilang mga mata, isang malaking kagalakan ang maglaro sa ilalim nang pumapatak na tubig-ulan na kung minsan pa nga ay tinatawag ding luha ni San Pedro. Ang lungkot at takot sa kanilang bawat mukha ay napapalitan ng pag-aasam at pagkatuwa. Makipaghabulan at magtampisaw sa mala-swimming pool na baha ang ilan sa mga kakikitaang huhuli ng kiliti ng mga bata na tila ba hindi nangangamba sa kung anumang kapahamakang mapupulot, maging sakit man ito o (huwag naman sana) ang kapahamakang maaaring tatapos sa kanilang buhay - ang matamaan ng kidlat na walang awang tutusta sa kanilang murang katawan. 

          At sa patuloy na pagpatak ng ulan at sa aking patuloy na pagmumuni-muni, naisip ko na hindi pa rin  mapipigilan ng malakas na ulan ang bigkis ng dalawang pusong nagmamahalan. 

Mukha ng Pag-ibig
Minsan pa ulan bumuhos ka't h'wag nang tumigil pa
Hatid mo ma'y bagyo, dalangin ito ng puso kong sumasamo
Pag-ibig ko'y umaapaw, damdamin ko'y humihiyaw sa tuwa
Tuwing Tuwing umuulan at kapiling ka
- Regine Velasquez

          Simbangis na yata ng ulan ang damdamin ng dalawang pusong hindi papipigil sa kanilang nararamdaman. Sabi nga nila, hahamakin na ang lahat masunod lamang ito. At iyon nga, pinatunayan ng isang magsing-irog kamakailan lang na kahit gaano man kalakas ang ulan, mananatili pa rin silang matatag sa mata ng Diyos. Ang kanilang pagpapakasal sa kasagsagan ng habagat noong Miyerkules (Agosto 8) ang siya pang nagpalitaw at naglarawan kung ano ba talaga ang tunay na pag-ibig. Nagsilbi ang ulan bilang isang biyayang natanggap nila sa Maykapal na wari bang mas pinaiigting pa ang kanilang pagsasama. Sa huli, ginuhit ng habagat ang mukha ng pag-ibig sa kalagitnaan ng kanilang mukha, isang mukhang tila di maipaliliwanag ninuman, kailanman. 

          Sa kabila ng iba't ibang mukhang gumuhit sa kasagsagan ng unos, hindi pa rin mawawala sa ating mga Pilipino ang pag-alala sa mga kababayang nasalanta o nabiktima ng kalamidad. Tatak na natin bilang isang Pilipino ang isang sambayanang sabay-sabay at sama-samang bumabangon. At nitong kailan lang sigaw na ng bawat mamamayan ang mga salitang, "Pilipino Kami, Habagat Ka Lang!"  

Mukha ng Pag-asa
Dumaan man sa malakas na alon, lahat tayo'y makakaahon. - Star ng Pasko (ABS-CBN 2009 Christmas Station ID)

          Ilang beses na nating nagawang umahon sa mga nagdaang unos at sa ngayon nga'y patuloy pa rin natin itong isinasabuhay. Sa bawat pagpapasa-pasa ng botelya ng tubig, sa bawat  pagre-repack ng mga hinatid na tulong, at sa bawat plastic bag na naglalaman ng samu't saring mga makakain at kagamitan, may mga talang tila bang kumikislap sa pagitan ng bawat isa - ang diwa ng bayanihang lumulutang sa gitna ng walang patid na pagbayo ng habagat. Sa huli, ang mga tulong na inihahatid ng iba't ibang mapagpalang kamay at mabubuting puso ay naghahatid sa ating mga kababayan ng walang kapantay na kasiyahan, dahilan kung bakit masisilayan ang mukha ng pas-asa sa bawat isa. Ito marahil ang mukhang ginuhit ng habagat upang humarap sa naghihintay na bukas.  

          Ang madalas na pag-uulan ay senyales pa na mas marami pang mukha ang maiguguhit ng habagat, maaaring maaliwalas, maaari rin namang hindi. Ang mga bagay na nakapinta sa nakararaming mukha ay mananatili pa ring naghihikahos. Subalit, ang katotohanang dapat pa nating pahalagahan at alagaan nang mabuti ang kalikasan ang siyang magdidikta sa ating buhay sa susunod na unos. Kung tutuusin, ang pagbabago ay nagsisimula sa sarili, isa itong katotohanang pinatutunayan ng buhay upang maging handa sa kung anumang sasapitin. Gayunpaman, nawa'y magsilbing aral ang iba't ibang mukhang ginuhit ng habagat para sa mga susunod pang kabanata. 

           Tag-ulan na nga, at nawa, sa pagpapatuloy nating pagtahak sa buhay, alalahanin nating hindi tayo nag-iisa. Maraming taong handang tumulong at gumabay para sa atin. Iba't ibang bagay man ang nakaguhit sa kanilang mga mukha, ang katatagan ng ating pananampalataya at pananalig ang siyang magliligtas sa atin sa kapahamakan. Ika nga nila, sa payong ko, magkasama tayong dalawa.


Sources: